Bakit napakarami ng Pinay DH sa abroad?

Matagal nang realidad sa maraming pamilya sa Pilipinas ang kahirapan sa paghahanap ng kasambahay na titingin sa maliliit na bata o mga matatanda nang mga magulang o lolo’t lola o haharap sa mga gawaing-bahay. Tila may kakulangan sa mga katulong pero mapapansin na maraming Pilipina ang dumadayo para magtrabaho bilang katulong sa ibang bansa.

Maaaring iba’t-iba ang katawagan sa trabahong ito depende sa bansang kinaroroonan. Kasambahay sila sa Pilipinas pero, sa ibang bansa, maaaring tinatawag silang Au pair, domestic helper, domestic worker,  nanny o baby sitter, chambermaid, cleaner, cook, dog walker, gardener, housekeeper, kitchem maid, lady’s maid, housemaid, personal shopper, o  scullery maid pero lahat sila ay mga gawaing bahay ang tinututukan.

Pero bakit trabahong katulong o sa tinatawag ngayong kasambahay? Napakaraming domestic helper na Pilipina sa Middle East, Hong Kong, Singapore at sa  iba pang bansa.

Siguro, dahil na rin sa amoy ng dolyar o ibang dayuhang salaping malaki ang palit sa perang Pilipino o sa mas mataas na sahod, natutukso ang maraming Pilipina na mamasukang katulong sa ibayong-dagat para kumita at masuportahan ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas. At hindi masasabing puro mga walang tinapos na pag-aaral ang mga katulong na Pilipina sa ibang bansa. Marami sa kanila ang mga nakagradweyt sa kolehiyo.

At hindi kataka-taka kung ikokonsidera ang isang lumang report mula sa The New Journal. Maaaring taong 2017 pa ito lumabas pero nakakapagbigay ng idea kung magkano ang karaniwang sinasahod ng mga domestic helper sa ilang mga bansa: 1. BAHRAIN – Ang karaniwang sahod ng isang domestic helper dito ay BHD (Bahraini Dinar) 160 o P21,376; BRUNEI – Karaniwang kumikita dito ang Filipino helpers ng US $400 o P20,000+; CHINA – kumikita ang mga katulong dito ng 4,500 to 6,000 Yuan o P33,000 to P45,000+; CYPRUS – Ang mga katulong sa Cyprus, Mediterranean ay sumasahod ng324 to 400 Euros o P18,000 to P23,000+; CANADA – C$ (Canadian dollar) 14.44 o P570+ per hour ang kinikita rito ng mga katulong; DUBAI – Karaniwan ay  1,500 Dirhams o P20,500+; EGYPT – $450 at $700 o P22,600 to P35,000+ per month, with additional benefits; FRANCE – $650 and $750 o P32,700 to P37,700+; GUAM – 600 to 650 Euros or P35,600 to P38,600+; HONG KONG – Walang estimated rate dito dahil ang sahod ng mga DH dito ay batay sa kung ano ang gusto ng kanilang amo. Gayunman, ang minimum pay ay HKD (Hong Kong dollars) 4,310 o P27,765; IRELAND – Sinasabing umaabot sa 4,300 Euros o P255,000 ang kinikita ng mga DH sa Ireland pero hindi umano ito beripikado;   KUWAIT – 100 to 120 Kuwaiti Dinars o P16,000 to P20,000+; SAUDI ARABIA – 1,500 to 2,000Saudi riyal o P20,000 to P26,000; LEBANON – $400 o P20,000+; MALAYSIA – 1,500 to 1,600 Malaysian Ringgit o P7,000 to P18,000+; MACAU – 5,000 Pataca o P41,000+; MOROCCO – 4,000 Moroccan Dirhams o P21,000; OMAN – 120 to 140 Omani Riyal o P15,000 to P18,000+; QATAR – Depende sa amo pero karaniwang kumikita ang katulong dito ng 1,200 to 1,460 Qatari Riyal o P16,000 to P20,000+; SINGAPORE – 550 to 750 Singaporean Dollars o P20,000 to P27,000+. Maaaring nagbago na sa kasalukuyan ang mga pasahod na ito sa mga nabanggit na bansa kaya, sa sino mang interesado, huwag agad kakagat at susugod at mamamasukang katulong sa ibang bansa. Magtanong at magsaliksik muna.

Gayunman, dahil dito, hindi nga nakakapagtaka kung bakit marami ang natutuksong mamasukang katulong sa ibang bansa. Kahit pa mapalayo sila nang matagal sa kanilang pamilya.  Pero, hindi dapat masilaw sa nabanggit na mga datos na ito dahil  maraming Filipina DH ang maraming binabayarang utang na naiwan nila sa Pilipinas bukod pa sa pagtugon nila sa araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya rito. Marami pa rin sa kanila ang umuwi sa Pilipinas nang mahirap pa rin.  Walang naipon o walang naipundar dahil sa maraming bayaring kanilang nakaharap habang nagtatrabaho sa isang dayuhang bansa.

At magkakaiba ang sitwasyon ng mga Filipina domestic helper sa iba’t-ibang bansa. Kaya, kung minsan, tila may katotohanan ang sinasabi ng ilan na suwerte-suwerte lang ang pagtatrabahong katulong sa ibayong-dagat. Malas kung nakatagpo ka ng malupit at abusadong amo pero suwerte kapag mabait at galante ang iyong amo.

Hindi rin nakakasagabal ang mga ulat hinggil sa mga Pinay DH na minaltrato, inabuso, o piñata para  ang iba nating kababayang kababaihan ay patuloy na maghangad na magtrabahong tsimay sa abroad.

Gayunman, hindi naman puro malulungkot ang mga kuwento ng mga DH na Pinay sa ibang bansa. Meron ding masasayang kasaysayan na dahilan kaya pinasok nila ang ganitong trabaho. Nakakaengganyo at nakakapagbigay din ng inspirasyon ang mga nagtatagumpay sa buhay kahit namasukan lang kasambahay sa mga dayuhan. Nariyan din ang istorya ng mga DH na Pinay na nagkakaroon ng magandang relasyon sa kanilang mga amo na kahit nakauwi na sila sa Pilipinas ay meron pa rin silang komunikasyon at muli silang pinababalik para magtrabaho sa mga ito.  Meron din sa kanila na pinalad na magkaroon ng galanteng amo na tinutulungan sila sa kanilang mga problema tulad sa pagpapagamot, pangangailangan ng kanilang pamilya sa Pilipinas, pagpapatayo ng sariling bahay at iba pa. Marami na ring Pinay DH na nagsasabing parang kapamilya, kapatid at kapuso ang turing sa kanila ng kanilang mga amo.  Ilan sa kanila ang isinama ng kanilang mga amo sa pangingibang-bansa na nagbigay sa kanila ng bagong oportunidad.

* * *

Email – rmb2012x@gmail.com

Show comments