Ang sakit ay maaaring manggaling sa loob ng mga joints ng balikat at sa paligid ng muscle, ligaments at tendons. Karaniwang lumalala ang sakit kapag ginalaw ang braso at balikat.
Ang sobrang pananakit ng balikat ay nakasentro sa itaas na bahagi ng braso, likod at leeg. Ito ay maaaring napakasakit kapag magsusuot ng baro.
Ang Rotator cuff injury ay isang pinsala mula sa paulit-ulit ng sobrang paggalaw ng balikat tulad ng pagpinta, paglangoy, pagbato ng bola, at aksidente.
Para makaramdam ng ginhawa:
1. Ipahinga ang balikat. Ihinto ang dahilan ng pananakit. Limitahan ang pagbubuhat ng mabibigat o mga gawain na ginagamitan ng paibabaw o paitaas na galaw ng apat hanggang pitong araw.
2. Lagyan ng cold pack ng 2-3 araw, pagkatapos ay hot pack naman. Gumamit ng cold pack o towel na mayroong nakabalot na yelo na 15 hanggang 20 minutos kada oras para mabawasan ang pamamaga. Gawin ito kada oras. Pagkatapos ng 2 o 3 araw, kung ang sakit at pamamaga ay bumuti, maaari namang mag-apply ng hot packs o heating pad. Maaaring makatulong magpa-relax sa namamagang muscles. Limitahan ang pag-aaplay ng init sa loob ng 20 minutos lamang.
3. Gumamit ng mga over-the-counter na pain medication tulad ng pamahid sa kirot, at tableta tulad ng ibuprofen at paracetamol. Panandalian lang ang paggamit nito.
4. Mag-stretching. Pagkatapos ng 1 o 2 araw, gumawa ng mga magagaang exercise para mapanatili ang muscle ng balikat na maging malambot. Kung maaari ay palakasin ang iyong balikat. Kung hindi ito igagalaw maaari itong maging dahilan ng paninigas ng mga joints.
5. Maghinay-hinay. Maghintay hanggang sa mawala ang pananakit bago unti-unting bumalik sa mga gawain na naging dahilan ng pagkapinsala. Minsan, kailangan ng 3 hanggang 6 na linggo para tuluyang gumaling.
6. Suriin ang sports na ginagawa. Kung ang mga gawin gaya ng tennis, baseball, golf o iba pang sports ang dahilan ng pananakit, kinakailangan mong magpalit muna ng sports o magpahinga.
Kumonsulta sa doktor kung:
1. Ang iyong balikat ay hindi pantay, o hindi maiangat ang apektadong kamay.
2. Sobrang panlalambot ng iyong balikat.
3. Mayroong pamumula, pamamaga o lagnat.
4. Ang iyong balikat ay hindi bumuti pagkatapos ng mga ilang linggo na pag-aalaga sa sarili.
* * *
Trigger finger: Masakit na daliri at lunas dito
Ang kaso ng trigger finger ay maaaring mula sa banayad hanggang sa malubhang kaso. Para sa mga banayad na kaso, ang mga tip na ito ay maaaring sapat upang pagalingin ito:
1. Ipahinga ang iyong kamay ng isang buwan. Maaari itong makatulong na mapabuti ang iyong nararamdaman. Bawasan ang paggamit ng kamay sa pag-text at pag-type. Huwag magdala ng mabibigat na bagay gamit ang kamay. Subukang gamitin ang kabilang kamay.
2. Iwasan ang paulit-ulit na pagpiga. Ang labis na pagkahawak (grip) ay maaaring magpalala sa isang daliri ng pag-trigger. Iwasan ang paggamit ng makinang pang-vibrate.
3. Huwag magpatuloy sa pagpapatunog o lagatok dahil maaaring mapalala nito ang pamamaga.
4. Subukang ibabad ang kamay sa maligamgam na tubig. Maaari itong makatulong na mabawasan ang sakit at paglagatok.
5. Ilagay ang iyong kamay na mas mataas kaysa sa iyong dibdib (antas ng puso). Ang paggawa nito madalas ay maaaring makatulong na mabawasan ang pamamaga sa pamamagitan ng pagbawas ng akumulasyon ng likido sa apektadong lugar. Maaari kang makatulog na nakalapat ang kamay sa isang unan.
6. Protektahan ang iyong apektadong daliri at kamay. Dahil ang tendon at sheath na gumagalaw ng iyong daliri ay namaga na, iwasan ang karagdagang pinsala sa pamamagitan ng hindi sinasadyang pag-bangga ng kamay dahil sa matigas na bagay.
7. Sa gabi, maaari kang magsuot ng isang guwantes (upang maprotektahan ito mula sa malamig) at ipahinga ang iyong kamay sa isang unan.
Paggamot sa Malubhang Kondisyon: Maaaring subukan ng iyong doktor ang mga pagpipiliang ito.
1. Steroid injection—Maaaring mag-iniksyon ang mga doktor ng steroid na malapit sa base ng apektadong daliri upang mabawasan ang pamamaga. Ang injection na ito ay mas epektibo kung ibibigay sa loob ng isang linggo o dalawa sa simula ng mga sintomas.
2. Surgery para mawala ang trigger finger—Para sa mga mahirap na kaso na hindi nagamot sa mga hakbang na nabanggit, maaaring ipa-opera ito para maalis ang trigger finger.
Kung maranasan ang kondisyong ito, kumunsulta nang maaga sa iyong orthopedic surgeon o surgeon ng kamay. Sila ang pinakamahusay na lapitan para matulungan ka.