Nakamamangha ang mahika ng communications technology. Kung isa kang manunulat at nagkaroon ka ng karamdamang mangangailangan ng confinement, tiyak “on leave ka muna.” Hindi na nangyayari ito sa panahon ng Internet connectivity basta mayroon kang tablet o cell phone. Iyan naman ay depende sa iyong karamdaman.
Ako ngayon ay naka-confine sa Chinese General Hospital (CGH) matapos ang matagumpay na pagtanggal sa aking apendisitis. Magsilbing babala ito sa marami nating kababayan. Huwag balewalain ang sakit ng tiyan. Sinakitan ako ng sikmura mula noong Lunes na ang akala ko ay ordinaryong diarrhea lang. Naghintay ako ng ilang araw pero hindi naman ako nagtae ay lalo pang tumindi ang sakit.
Ikaapat na araw nang ipasya ko na isugod na sa pinakamalapit pero katiwa-tiwalang ospital at ‘yan ay ang CGH. Mga batambata at mahuhusay ang mga doktor-siruhano rito. Matapos lang ang ilang pagsusuri, agad na akong itinulak sa OR. Matapos mainiksyunan ng anesthesia, Hindi ko na alam ang sumunod na pangyayari.
Nagising na lang ako sa recovery room at mula roon ay dinala na sa aking ward. Sabi ng doktor na nag-opera sa akin, kung isang araw pa akong hindi nagpadala sa ospital, malamang pumanaw na ako.
Salamat sa Diyos at sa lahat ng mga taong nagtulung-tulong para matiwasay kong malampasan ang krisis.