EDITORYAL - Pagbabakuna sa mga bata, paigtingin

Labindalawang araw na lamang at magbubukas na ang face-to-face classes. Nakatakdang magbukas sa Agosto 22 ang mga klase sa pampublikong eskuwelahan sa buong bansa. Sabi kamakailan ni Vice President at DepEd secretary Sara Duterte na wala nang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase.

Nagkaroon na ng Brigada Eskuwela kung saan, tulung-tulong ang mga guro, magulang at iba pang civic organization sa paglilinis ng mga eskuwelahan. Sinisigurong malinis at maayos ang mga silid aralan sa pagbabalik-school ng mga bata na mahigit ding dalawang taon na natigil dahil sa pana­nalasa ng COVID-19.

Ang isang hindi pa tiyak ay kung mababakunahan lahat ang mga batang magbabalik-eskuwela. Sa kasalukuyan, 4.2 milyong bata pa lamang ang nababakunahan at wala pa silang booster shots. Maliit na bilang pa lamang ang nababakunahan sa mga magbabalik-eskuwela. Ayon sa DepEd, may kabuuang 15.2 milyon ang mga batang papasok sa pagbubukas ng klase. Wala pa sa kalahati ang nababakunahan at 12 araw na lamang at pasukan na.

Ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pagbabakuna at pagbibigay ng booster shots bago ang pagbubukas ng face-to-face classes. Mahalaga umano na mabakunahan ang mga bata sapagkat ito ang proteksiyon laban sa COVID-19. Kailangang mabakunahan sila para handang-handa sa pasukan. Dapat sa pagbubukas ng klase ay bakunado na lahat ang school children.

Ipinangako naman ng Department of Health (DOH) na mababakunahan at mabibigyan ng booster shots ang mga bata bago ang face-to-face classes. Sinabi ni Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, DOH officer-in-charge na nakikipag-ugnayan na sila sa LGUs para mapabilis ang pagbabakuna sa mga bata. Magse-setup umano sila ng mobile vac­cination sites sa mga school.

Mahalagang mabakunahan ang mga bata bago mag-F2F. Ngayong dumarami ang kaso ng COVID, nararapat na mayroon silang proteksiyon. Siguruhin na mabakunahan sila. Gawin ang lahat nang paraan.

Show comments