EDITORYAL - Hamon sa bagong PNP chief
MAHIGIT isang buwan bago nakapagtalaga ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) si President Ferdinand Marcos Jr. Marahil pinag-isipan muna niyang mabuti kung sino ang karapat-dapat na mamuno sa humigit-kumulang na 220,000 mga pulis sa buong bansa. Kailangan ang masusing pagkilala at pagsisiyasat sa itatalagang PNP chief. Pinili ni Marcos Jr. si Lt. General Rodolfo Azurin. Bago hinirang si Azurin, siya ang commander ng Northern Luzon Police at dating commander ng Southern Luzon Police. Nagtapos siya sa Philippine Military Academy (PMA) Makatao Class of 1989. Ipinanganak noong Abril 24, 1967 sa Paniqui, Tarlac.
Mabigat ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ni Azurin ngayong siya na ang bagong PNP chief. Malaking pagsubok ang kanyang kahaharapin sa pag-upo sa PNP. Dito masusubok ang kanyang husay at katatagan sapagkat hindi lamang ang mga naghahasik ng kaguluhan at krimen ang kanyang babantayan kundi pati na rin ang mga sariling tauhan na naliligaw ng landas. Maraming police scalawags at ang mga ito ang sumisira sa imahe ng PNP.
May mga pulis na lumilinya sa masamang gawain—protector ng drug trafficker, hulidaper, kidnapper, carnapper, nagre-recycle ng shabu at ilang pulis na nagagawang pumatay dahil sa init ng ulo at kapag nalalasing. Sariwa pa sa alaala ang ginawang pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Disyembre 2020. Nasundan iyon ng pagpatay ng isang lasing na pulis sa kapitbahay na babae sa Quezon City.
Ilan lamang ang mga ‘yan sa problemang kahaharapin ni Azurin sa PNP. Ga-bundok ang mga suliranin na kanyang tutugunan at kung malulutas niya ang mga ito, siya ang ituturing na pinakamahusay na PNP chief at hindi malilimutan ang kanyang pangalan kailanman.
Naniniwala kami na makakaya niya ang mga hamon sa PNP hanggang sa magretiro siya sa susunod na taon.
- Latest