NAGLULUKSA ang bansa sa pagkamatay ni Pangulong Fidel V. Ramos. Sa ilalim ng kanyang pamunuan, ang noo’y hindi pa gaanong patag na gobyerno at ekonomiya ay nabigyan ng matibay na sandalan.
Hindi maikaila ang positibong kontribusyon ni FVR, dating heneral at dating kalihim ng National Defense, maging sa ating kumpiyansa bilang Pilipino. Naitaas nito ang ating noo dahil naturingan tayong good performer sa mga Southeast Asian economies. Ang kanyang vision para sa kinabukasan ay napaloob sa kanyang Philippines 2000 long term socio-economic plan upang maabot natin ang status na Newly Industrialized country.
Noong nangangapa pa ang Lehislatura sa kanilang papel sa kasaysayan, nagtagumpay si FVR sa kanyang magandang relasyon sa: (1) House of Representatives kung saan napagkaisa ni 5-time Speaker Jose C. De Venecia sa ilalim ng isang rainbow coalition ang nag-uumpugang mga Partido. Maaalalang si FVR ay minority president at halos walang kakampi sa mga mambabatas upang suportahan ang kanyang mga programa; at (2) Senado na pawang mga independiyente ang mga nahalal na hindi basta basta titiklop kapag nagkagirian laban sa Malacañang. Sina Edgardo Angara, Neptali Gonzales at Ernesto Maceda ang mga naging pangulo ng Senado. Binigyan sila ni FVR ng kaukulang respeto at, sa pamamagitan ng maayos na pakikipagmiting ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), napaplantsa ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan.
Maging sa relasyon ng pamahalaan laban sa mga kritiko, tinanghal si FVR na awardee ng UNESCO peace prize. Nilagdaan niya ang peace agreement sa MNLF, naumpisahan ang peace talks sa CPP-NPA-NDF at ibinuwag din ang matagal nang problemadong Anti-Subversion Law. Kahit siya ay dating militar, kinilala ni FVR ang karapatan ng lahat na makilahok sa merkado ng ideya sa lipunan.
Nang manalong Pangulo, si FVR ay lider lamang ng maliit na minorya ng Pilipino. Nang matapos ang kanyang termino, niyakap na siya ng malaking bahagi ng populasyon. Sa kanyang pagpanaw, kinikilala siya bilang bayani ng kasaysayan.