^

PSN Opinyon

Kontra malas sa Ghost Month

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Kontra malas sa Ghost Month

Parte na yata ng pang-araw-araw na vocabulary nating mga Pinoy ang mga salitang “malas” at “suwerte.” Dahil na rin siguro melting pot o pinaghalu-halong mga kultura ang kinasanayan natin, pagdating sa usaping suwerte, madalas tayong manghiram ng mga tradisyon sa mga kapatid nating Fil-Chi.

Sa kanila nanggaling ang lumalawak na paniniwala sa Ghost Month. Kaya naman kamakailan, nakasama natin sa #PamilyaTalk si Feng Shui Master Hanz Cua para mas maintindihan natin kung ano nga ba itong Ghost Month at kung anu-ano ang mga dapat nating gawin para hindi tayo malasin sa buong buwan na ito.

Ghost Month: Ano at kailan ba ito?

Ang Ghost Month ang ikapitong buwan ng Chinese Lunar Calendar. Dahil nag-iiba ang petsa ng Chinese New Year taun-taon, papalit-palit rin ang simula ng Ghost Month kada taon. Mula July 29 hanggang August 26 ang Ghost Month ngayong 2022.

Ano ang ipinagkaiba ng buwan na ito sa buong taon? 

Ayon sa paniniwala ng Buddhists at Taoists, pagsapit ng ikapitong buwan ng Lunar Calendar, binubuksan ang mga gate ng impiyerno (gates of hell) para makagala ang Hungry Ghosts buong buwan. Pero tandaan, mga KasamBuhay, ang impiyerno ng Buddhists at Taoists ay hindi pareho sa impiyernong kinikilala ng mga Kristiyano na walang bakasyon o taunang paglaya.

Sabi ni Master Hanz, sa dami ng Hungry Ghosts, hindi sila lahat nakakagala kaagad. Talo pa siguro ang pagkahaba-habang pila sa MRT ng pila sa impiyerno. Kasi sa ika-15 na araw pa lang daw ng Ghost Month makasisigurado na wala nang natirang Hungry Ghost doon. Peak day o pinakamatinding araw ang tawag sa ika-15 na araw na ito dahil gumagala na ulit sa mundo natin ang lahat ng Hungry Ghosts. Ngayong 2022, August 12 ang peak ng Ghost Month.

Ano naman ang epekto ng paggala ng mga Hungry Ghosts? Dahil may pagkamalikot sila, may bitbit silang kamalasan para sa mga nabubuhay. Kaya naman sabi ni Master Hanz, mas mabuting i-postpone o ipagpaliban muna ang mga malalaking desisyon at kaganapan sa buhay para hindi mauwi sa peligro.

Ano nga ba ang mga Hungry Ghost? Kaya ba nila tayong saktan?

Sabi ni Master Hanz, ang Hungry Ghosts ay mga ligaw na kaluluwa ng mga taong may nagawang krimen o di kaya’y may naagrabyado noong nabubuhay pa sila. Puwedeng maging Hungry Ghosts din daw yung mga biglaan, marahas o aksidente ang pagkakamatay.  

Dahil nga pinagkaitan sila ng kaligayan sa impiyerno, pagbisita nila sa atin, sabik na sabik sila sa pagkain, dasal, kasiyahan, pati na mga kalokohan. Kaya naman tumataas ang bilang ng mga kamalasan pagdating ng Ghost Month. Hindi naman daw nila tayo masasaktan nang direkta, sabi ni Master Hanz. Kaso, dahil sa baon nilang malas, maaring magdulot sila ng abala o kaya’y panganib.

(embedded video)



No to Ghosting! Maging handa sa mga dapat iwasan at gawin sa nalalapit na Ghost Month! Get tips from Master Hanz Cua dito sa #PamilyaTalk!

Mga pampasuwerte’t kontra malas

Bilin ni Master Hanz, hindi naman daw dapat katakutan ang Ghost Month, lalo na’t maraming paraan para maiwasan ang kamalasang dulot nito. Dagdag pa niya, nagsisilbi itong reminder na dapat nating alalahanin ang mga mahal nating yumao. Sa gayon, magiging mas payapa sila sa kabilang buhay. Pagkakataon din daw nating matulungan ang Hungry Ghosts na maging Happy Ghosts.

Paano? Ilan lang ang mga sumusunod na makatutulong magpatahimik sa mga kaluluwang ligaw.

Pag-aalay ng mga dasal

Maging sa simbahan o bahay, ugaliing magdasal para sa mga kaanak at mga kaluluwang ligaw. Biro nga ni Master Hanz, bisitahin niyo na sila sa sementeryo bago pa nila kayo bisitahin. 

Pagsusunog ng incense, kandila at paper money

Para ilawan ang daan nila, magsunog ng insenso’t kandila. Pag nagsunog naman ng paper money, siguraduhing gamitin yung sadyang para sa Hungry Ghosts para mabaon nila ito sa kabilang buhay. Kung mas maluwag ang budget, pwede rin silang pabaunan ng sasakyan, bahay o iba pang kasangkapan. Kailangan lang magsunog ng mga papel na bersyon ng mga ito na nabibili rin sa tindahan ng paper money.

Angela Roma Pexels

Pagpapanatiling maliwanag ang paligid

Mas sanay ang Hungry Ghosts sa kadiliman. Kung maliwanag ang bahay ninyo, malamang ay iiwas sila at hindi kayo bibisitahin.

Pagsusuot ng 'yang colors'

Mas naa-attract ang Hungry Ghosts sa tinatawag na “yin colors” gaya ng itim, puti, at ibang madidilim o malulungkot na kulay. Kaya piliing magsuot ng “yang colors” o yung matitingkad ng shades ng red, yellow, orange, green at pati na mga neon.

Paggamit ng asin

Maraming mga kultura ang gumagamit ng asin pangkontra sa mga spirito. Payo ni Master Hanz, maglagay ng rock salt sa may pintuan at bintana para hindi pasukin ng Hungry Ghosts. Puwede ring magbitbit ng rock salt na nakalagay sa loob ng telang pouch, hindi papel o plastic.  Siguraduhin ding bright o matingkad ang kulay ng pouch.

Huwag lalabas kung gabi

Naglalagi ang Hungry Ghosts sa dilim. Kung pagala-gala ka sa gabi, lalo na’t mag-isa, maaaring sumama sila sa iyo. Kung hindi mo maiiwasan ang paglabas, halimbawa’y pang-night shift ka, magsuot ng “yang colors” at magdala ng pangkontra gaya ng asin at amulet.

I-postpone muna ang major events

Kasama na rito ang kasal, contract signings, paglipat ng bahay, pagsimula ng construction ng tirahan o bulding, bagong negosyo, pagpalit ng trabaho, pati na pagpaparetoke ng mukha’t katawan. Para iwas-malas, ipagpaliban na lang ang mga ito sa susunod na buwan.  Pero puwede namang ipagpatuloy na kung ano ang mga nasimulan bago mag-Ghost Month.

Huwag hahawak sa puno o sasandal sa pader

Maaaring doon tumatambay ang Hungry Ghosts. Pag nahawakan mo sila, baka kumapit sila sa iyo. Kung sakaling masaktan mo sila, pagmumulan ng malas ang galit nila sa iyo.

Pag-aalay ng pagkain 

Kadalasang inaalayan ang Hungry Ghosts ng kanin, prutas, mga ulam, tinapay, kakanin at dessert. Pero sabi ni Master Hanz, puwede ring mag-alay ng ibang mga kinasasabikan ng Hungry Ghosts, tulad ng beer o sigarilyo. Dapat iwan sa labas nga bahay ang mga alay na ito para hindi na kailangang pumasok ng mga kaluluwa sa bahay ninyo.

Mumemories Getty Images

Maaari ring palitan ang mga alay lalo na’t kung malapit nang mabulok. Kung nanghinihanayang ka, pwede rin namang kainin ang alay.  Pero siguraduhin munang magsunog ng buong insenso bago kunin ang pagkain. Kung tila walang lasa na ito, sabi ni Master Hanz, ibig sabihin ay tapos na itong kainin ng mga Hungry Ghosts. 

Huwag dudura kung saan-saan

Pangit naman talagang ugali ang pagdura lalo na’t panahon ng Covid-19. Ngunit pag Ghost Month baka may magalit sa iyong kaluluwa kung matamaan ng dura o bahing mo.

Huwag kukuha ng litrato sa gabi

Baka may mahagip na anyo ng ligaw na kaluluwa ang camera mo. Malay mo, biro ni Master Hanz, baka makita mo pa sa picture na sinusundo ka na pala.

Huwag tatapik ng balikat ng iba

Lalung-lalo na kung nakatlikod sila. Baka magkamali ka’t Hungry Ghost pala ang matapik mo.

Huwag pasigaw sa pagtawag ng pangalan. At huwag basta-basta lilingon kung ikaw naman ang tinatawag.

Kapag sumigaw ka ng pangalan, maaring may katukayong Hungry Ghost na makarinig at mag-akalang siya ang tinawatag mo. Kung ikaw naman ang tinawag, iwasang lumingon agad. Baka Hungry Ghost naman ang tumatawag sa iyo. Sa paglingon mo, iwasang ulo lang ang pagalawin. Isama mo na rin ang katawan mo sa pag-ikot para wala raw bubulaga sa iyong kung anuman.

Paggamit ng lucky charms 

Kung kasya sa budget, puwede kang bumili ng mga kristal, amulet, statuettes at iba pang good luck charms. Pero siguraduhin akma para sa Ghost Month ang mga charms mo, dahil kung hindi, wala itong proteksyong maibibigay sa iyo. 

Adisak Mitrprayoon Getty Images Signature

Lilipas din ang Ghost Month

Mabilis ang panahon. Maya-maya lang, tapos na pala ang Ghost Month. Kaya hind ito dapat katakutan. Sabi nga ni Master Hanz, gamitin natin itong dahilan para alalahanin ang mga mahal natin na nauna na sa kabilang buhay. Gamitin din natin ito bilang pagkakataon na makatulong sa mga kaawa-awang ligaw na mga spirito.

Tandaan, naniniwala ka man sa Ghost Month o hindi, paalala lang naman ang lahat ng mga nabanggit dito. Wala namang mawawala kung magsilbi silang gabay at karagdagang proteksyon. Basta’t samahan natin ng dasal, mabuting gawa, at sariling sikap, mas lalo tayong uulanin ng suwerte.

Higit sa lahat, para maging matiwasay, ligtas, at punung-puno ng grasya ang buhay, importante ang pagkakaroon ng postibong isipan, positibong pananaw, at positibong disposisyon, KasamBuhay. 
 

--

Watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected]  

GHOST MONTH

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with