1. High blood pressure o altapresyon.
Kapag ang blood pressure n’yo ay palaging lampas sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay may high blood pressure o altapresyon ka na. Isa sa apat na Pilipino ay may high blood pressure. Ang normal na blood pressure ay mas mababa sa 140 over 90.
Heto ang mga tips: (1) Magbawas ng timbang; (2) Magbawas sa pagkain ng maaalat. Umiwas o magbawas sa paggamit ng asin, toyo, patis at bagoong; at (3) Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang limang beses bawat linggo. Kapag palaging mataas sa 140/90 ang iyong blood pressure, kailangan mo nang uminom ng gamot.
2. Diabetes.
Kung ika’y may nararamdamang pamamanhid, laging nauuhaw, madalas umihi, o namamayat, magpa-check sa diabetes. Kapag ang iyong blood sugar ay higit sa 126 mg/dl pagkatapos ng 10 oras na hindi pagkain (fasting blood sugar), nangangahulugang may diabetes ka na. Umiwas sa dalawang bagay: Matataba at matatamis na pagkain. Mag-ehersisyo rin ng regular at huwag magpataba.
Depende sa taas ng iyong blood sugar, may mga mura at mabisang gamot sa diabetes, tulad ng Metformin at Gliclazide. Kung hindi mo mako-kontrol ang iyong blood sugar, ay mapapabilis ang pagdating ng kumplikasyon nito.
3. Mataas na cholesterol.
Mataas ang iyong cholesterol kapag lampas ito sa 200 mg/dl. Magdiyeta na. Posibleng kailangan uminom ng gamot kapag lampas sa 240 ang cholesterol. Subukang magdiyeta ng dalawang buwan. Iwas taba, karne, cakes at icing muna. Pagkaraan ng dalawang buwan, ipa-test uli ang cholesterol at kapag lampas ulit sa 240 mg/dl, doon magsisimula ng gamot na Statins.
4. Sakit sa kidneys.
Kung mayroon kang diabetes o high blood pressure, kailangan mong bantayan ang iyong kidneys. Ang diabetes at high blood ay nakasisira sa kidneys. Kadalasan, walang nararamdaman ang mga taong may sakit sa kidneys. Kapag may kidney failure na, humihina na ang daloy ng ihi.
Heto ang tips: (1) Bawasan ang alat ng pagkain; (2) Limitahan ang protina sa pagkain. Mas kumain ng isda, gulay at prutas; (3) Iwasan ang pag-inom ng pain relievers; (4) Uminom ng 8-10 basong tubig bawat araw.
5. Cancer.
Kapag ang isang tao ay wala pang cancer, ang pinakamagandang kainin ay ang tatlong K: kamatis, karots at kalabasa. Puwede rin ang mga pagkaing ito para makaiwas sa kanser: green tea, curry powder, bawang, sibuyas, sibuyas dahon (leeks), repolyo, cauliflower, tofu o tokwa, at talong. Damihan ang pagkain nitong anti-cancer foods. Bawasan ang pagkain ng hindi masustansiyang pagkain tulad ng baboy, baka, hotdog, bacon, ham at longganisa.