EDITORYAL - Dapat maputol ang katiwalian

GINANAP ang unang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes. Mahigit isang oras siyang nagtalumpati. Marami siyang prayoridad na batas na kinabibilangan ng Budget Modernization Bill, Tax Package 3: Valuation Reform Bill, Department of Water Resources Act, Internet Transaction Act, E-Government Act, National Land Use Act, Medical Reserve Corps Act, Bill on Mandatory ROTC at marami pang prayoridad na batas na ayon sa presidente ay malaki ang maitutulong sa pag-usad ng bansa.
Pero sa haba ng kanyang talumpati. wala siyang nabanggit ukol sa mga gagawing hakbang upang maputol ang namamayaning korapsiyon sa mga tanggapan ng pamahalaan. Wala siyang naihayag kung paano lulutasin ang walang katapusang pagkakamal ng pera ng mga “buwaya” sa mga tanggapan ng pamahalaan. Hindi siya nagbanta sa mga gagawa ng katiwalian.
Kabilang sa mga tanggapan ng pamahalaan na talamak ang nagaganap na korapsiyon ay ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Immigration (BI), Department of Education, Department of Agriculture at marami pa.
Bago manumpa si Marcos noong Hunyo 30, umaalingasaw ang katiwalian sa BOC at Department of Agriculture dahil sa smuggling ng gulay at iba pang agri products. Magkakutsaba ang mga taga-BOC at DA sa agri smuggling. Ang katiwalian sa DA ang isa marahil sa dahilan kaya si Marcos ang namuno rito.
Talamak din ang katiwalian sa Bureau of Immigration (BI). Hindi pa natatagalan nang kasuhan ng katiwalian ang 30 opisyal ng BI dahil sa ‘‘pastillas scam’’.
Sinabi minsan ni Marcos na tututukan ng kanyang administrasyon ang BOC at BIR sapagkat ang mga tanggapang ito ang nangungulekta ng buwis. Tama ang kanyang hakbang sapagkat kapag nabigo sa koleksiyon, apektado ang bansa.
Sana may narinig sa kanyang talumpati na nagbababala sa mga tiwali para naman mapanatag ang kalooban ng mamamayan. Masarap pakinggan na may giyera ang pamahalaan laban sa mga korap.
- Latest