ANG istorya nina Willy at Alice ay nag-umpisa noong magsyota pa lang sila na nagligawan at nagpakasal hanggang umasim ang kanilang pagsasama at matuloy sa hiwalayan. Pagkaraan ng 18 taon na pagpapakasal at pagkakaroon ng dalawang anak ay nagsampa ng petisyon si Alice para makakuha ng permanent protection order (PPO) mula sa Regional Trial Court (RTC) alinsunod sa RA 9262. Ayon sa kanya ay pisikal, emosyonal at pinansiyal siyang inaabuso ni Willy habang sila ay kasal. Noong panahon na iyon ay abogado na si Willy at nagtatrabaho sa isang malaking law office sabay konektado rin siya sa malalaking kompanya at malaki ang buwanang kita.
Matapos ang paglilitis, pinagbigyan ng korte ang petisyon at naglabas ng PPO pati pinag-utos kay Willy na magbigay ng sustento para kay Alice at sa anak nila na sina Cathy na menor-de-edad at kay Betty na bagaman nasa hustong edad ay nag-aaral pa at walang trabaho. Ang suportang ibibigay ni Willy ay katumbas ng kalahati ng kanyang kinikita mula sa law office at mga kompanyang konektado siya. Dapat ay agad ibawas at ipadala ng nasabing law office at mga kompanya ang sustento para kina Alice. Kapag hindi sila sumunod ay maaari silang parusahan sa pamamagitan ng indirect contempt.
Hindi inapela ni Willy ang PPO at naging pinal ito. Pero pagkatapos lang ng limang taon ay nagsumite ng mosyon si Alice sa pagpapatupad nito dahil hindi raw sumusunod sa parte niya si Willy kahit pa pinal na ang desisyon. Kontra ni Willy ay huli na ang pagsasampa ng mosyon pero pinagbigyan pa rin ito ng korte dahil ang limang taon daw ay bibilangin mula sa pagsasampa ng motion for execution. Kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng RTC. Sakto lang daw at pasok sa limang taon ang mosyon. Tama ba ang CA at RTC?
TAMA. Ayon sa Supreme Court, nasa oras ang pagsusumite ng writ of execution. Ayon pa sa SC ay mayroong limang taon para ipatupad ang isang pinal na desisyon basta magsumite ng kaukulang mosyon. Nagiging pinal naman ang desisyon kapag hindi ito inapela at lumampas na ang takdang oras sa pag-apela ng kaso. Kaya kahit pa may PPO ay hindi pa rin ito pinal lalo at hindi pa tapos ang panahon para umapela. Sa kaso ni Willy, kahit pa agad siyang pinaalis sa kanilang tahanan at pinagbawalan na umalis ng bansa ay puwede pa sana niyang kuwestiyunin ang hatol pero hindi niya ginawa. Naging pinal ang PPO pagkalipas ng limang taon mula nang ilabas ang desisyon at anim na buwan naman mula magsumite ng motion for execution si Alice. Nasa tamang oras lang ang pagsasampa ng mosyon.
Importante ang panahon para umapela sa kaso dahil ito ang nagiging batayan kung puwedeng kuwestiyunin ng bawat partido ang desisyon pati dinidikta nito kung kailan naging pinal ang hatol. Kaya kontra sa argumento ni Willy, ang panahon para magsumite ng mosyon para ipatupad ang desisyon ay hindi kung kailan nilabas ang hatol kundi kung kailan naging pinal ito (Ruiz vs. AAA, G.R. No. 231619, November 15, 2021).