EDITORYAL - Earthquake drill, idaos nang regular

Lima ang namatay sa magnitude 7.0 na lindol na tumama sa mga probinsiya sa Hilagang Luzon noong Miyerkules ng umaga. Sa huling report, lima ang namatay at 60 ang nasugatan. Pinakamatinding­ tinamaan ang Abra na maraming nawasak na bahay, simbahan at nagkaroon ng landslides. Malakas din ang pagyanig sa Benguet, Baguio City, Ilocos Sur, Nueva Viscaya, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Pampanga at Bulacan. Bahagya namang naramdaman ang lindol sa Metro Manila, Cavite at Laguna.

Ang naganap na lindol ay nagpasariwa sa alaala ng malakas na lindol na naganap noong Hulyo 1990 na tinamaan din ang Northern Luzon. Maraming namatay nang gumuho ang mga gusali at isang hotel sa Baguio City.

Maraming nag-panic nang lumindol noong Miyer­kules. Hindi alam ang gagawin. May babae uma­nong tumalon mula second floor ng bahay dahil sa pag­kabigla sa lindol. Nakaligtas naman ang babae. Marami rin ang nag-unahan sa pagbaba sa ilang gusali. Mayroon ding gumamit ng elevator na hindi naman nararapat sa ganoong sitwasyon.

Ang huling malagim na lindol na naganap sa bansa ay noong Abril 2019 kung saan, 11 katao ang namatay. Grabeng tinamaan ng magnitude 6.1 na lindol ang Porac, Pampanga kung saan isang super­market ang naguho. Nagpanic ang mga tao sa super­market at hindi malaman kung saan susulong sapagkat hindi alam ang EXIT. Nagpapakita lamang na walang kahandaan ang mga tao sa pagtama ng lindol. At ang resulta, ang mga namatay ay hindi sa pagyanig namatay kundi nabagsakan at natabunan ng gumuhong istruktura.

Ang nangyaring lindol sa Hilagang Luzon ay nagpapaalala sa mga awtoridad para magdaos ng earthquake drill. Dati nang nagsasagawa ng regular earth­quake drills sa Metro Manila subalit nakapagtatakang hindi na ito ginagawa ngayon. Nalimutan na ba ang banta ng “The Big One’’? Ang Metro Manila Deve­lopment Authority (MMDA) ang nangangasiwa sa earthquake drill bilang paghahanda sa malakas na lindol na tatama sa Kalakhang Maynila.

Mahalaga ang pagdaraos ng regular na earthquake drill at sana hindi lamang ito sa Metro Manila gawin kundi maging sa mga probinsiya. Nararapat maihanda ang mamamayan sa pagtama ng lindol. Hindi sila dapat mag-panic para makaiwas sa kamatayan.

Show comments