NAGHUGAS ba ng kamay pareho sina dating Presidente Duterte at kasalukuyang Presidente Bongbong Marcos Jr. sa pagiging batas ng kontrobersiyal na Vape Law? Sa mga nakaraan kong kolum, tulad nang marami nating kababayan, nagpahayag ako ng pagtutol sa bill na ito.
Ano man ang sabihin, ang paglanghap ng vape ay masamang bisyo tulad din ng yosi. Nag-uudyok ito sa mga kabataan na malulong sa bisyo. Pinapayagan ng batas ang mga kabataang 18-anyos na makabili ng vape.
Nagtataglay din ito ng nikotina na masama sa kalusugan. Mula nang mauso iyan, ilang taon na rin ang nakalilipas, nagsulputan ang mga vape stations o mga bar na hithitan nito. Ipinatigil pa nga iyan ng nakaraang administrasyon nang ipatupad ang batas laban sa smoking in public places.
Kung ang paninigarilyo ay nire-regulate na sa pamamagitan ng pagpapataw ng mataas na buwis at pagbabawal sa cigarette advertisement, bakit niluluwagan ngayon ang paggamit ng vape?
Kung agad na-veto ang bill ni dating President Duterte at kasalukuyang President Marcos bago ito nag-lapse into law, hindi sana ito naging batas. Pero hindi ito inaksyunan ng dalawang presidente at ayon sa batas, sa loob ng takdang panahon ay automatikong magiging batas ang isang bill kahit walang lagda ng presidente.
Kung hindi ito na-veto ni Duterte, sa maagang bahagi ng termino ni Marcos Jr. ito ay dapat ibinasura na niya sa pamamagitan ng pag-veto, pero hindi nangyari. Ewan ko lang pero maaaring na-overlook ito ni Marcos, Jr. sa rami ng mga dapat asikasuhin niya.
Water under the bridge.