Ano ang panganib na dala ng trangkaso kina lolo’t lola?
Madaling balewalain ang trangkaso, o iyong tinatawag na influenza o common flu, lalo na’t parang nakukuha naman ito sa paracetamol at pahinga.
Pero, KasamBuhay, alam mo bang hindi dapat ismolin o dinedeadma ang sakit na ito? Lalo na para sa senior citizens.
Yan ang napag-usapan sa Okay Doc special episode ng #PamilyaTalk na “Flu Fighter: Iligtas si Lolo’t Lola sa Flu.” Tatlong mga eksperto ang nakakwentuhan natin -- sina Dr. Jennifer Ann Mendoza-Wi (head, TB Assembly, Asian Pacific Society of Respirology); Infectious Disease specialist Dr. Arthur Dessi Roman; and “Tito” Jorge L. Banal Sr. (president, Federation of Senior Citizen Association of the Philippines Inc.)
Gaano ba kabangis ang flu?
Sabi ng World Health Organization (WHO), mahigit isang bilyong (1B) tao—o katumbas ng 12% ng populasyon ng mundo—ang tinatamaan ng trangkaso kada taon. Sa daming iyon, tinataya namang tatlong milyon (3M) hanggang limang milyong (5M) kaso ang nagiging malubha at nauuwi sa mga seryosong kumplikasyon.
Self-limiting disease ang turing ng mga doktor sa trangkaso. Ibig sabihin, sadyang gumagaling ito pagkaraan ng ilang araw. Kung ganoon, dapat lahat ng nagkaka-flu gagaling naman ng 100%, 'di ba? Sa kasamaang palad, hindi pala ganoon. Taun-taon, 650,000 tao ang namamatay dahil sa common flu.
Traydor kasi ang trangkaso, KasamBuhay. Kaya hindi tayo pwedeng magpapetiks-petiks lang.
Ayon sa mga eksperto, senior citizens ang pinaka-vulnerable o pinaka-walang laban sa sakit na ito. Halos 70% ng mga na-oospital at 85% ng mga namamatay dahil sa flu ay mga lolo at lola.
Bakit? Sabi ni Dr. Remedios Coronel, dating presidente ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, dahil ito sa tinatawag na immunosenescence. Ito yung hindi maiiwasang pag-degrade o panghihina ng immune system natin habang tumatanda tayo. Kaya nagiging mas sakitin tayo habang nagkaka-edad na tayo.
Mga kumplikasyon at Flurona
Kung numero lang ang basehan, parang di naman gaano karami ang 650,000. Nasa 0.065% lang ito, ang layo pa sa 1% ng populasyon. Ibig sabihin, 99.935% ang mga gumagaling sa flu.
Pero hindi lang datos ang mga ito kundi buhay, kaya nakakabahala pa rin ito. Kahit self-limiting ang trangkaso, sabi ni Dr. Wi, hindi nangangahulagang ligtas na ang pasyente kapag gumaling na ang kanyang flu. Gaya nga ng nabanggit na, puwedeng magdulot ang flu ng mga long-term o kaya’y nakamamatay na mga komplikasyon.
Sabi ni Dr. Wi, dahil sa flu, pwedeng tumaas ng 10 times ang posibilidad ng heart attack at 8 times naman ang pneumonia. Pwede ring pagsimulan ito ng masamang hika (asthma), chronic lung disease (panghabambuhay na sakit sa baga) at pati ng stroke.
Ngayong tumataas na naman ang COVID-19 infections sa bansa, maaring magkaroon ng co-infection o ang sabay na pag-atake ng trangkaso o influenza virus at coronavirus sa isang tao. Flurona ang tawag sa pinagsanib na peligrong ito. Dahil doble ang virus, doble rin ang pinsalang dulot nito.
Ayon sa Centers for Disease Control (CDC) ng Amerika, may Flurona na sa iba’t ibang panig ng mundo, mula sa US, Israel, Hungary, Brazil, at maging dito sa atin. Gaya ng flu at COVID-19, puwedeng mauwi ito sa pneumonia, acute respiratory distress syndrome (malubhang sakit sa baga), heart attack, pamamaga ng puso’t utak, stroke, organ failure, at tuluyang pagkamatay.
Pero may laban tayo
May good news naman, KasamBuhay! Puwede namang maiwasan ang common flu, COVID-19 at Flurona.
Dahil pareho naman ang paraan ng panghahawa ng trangkaso at Flurona sa COVID-19, payo ni Dr. Roman, ituloy lang natin ang mga tinatawag na minimum public health standards na nakagawian na natin. Kasama dito ang tamang pagsusuot ng mask (bawal yung nakalabas ang ilong o bibig), ang social distancing, at tamang paghuhugas at pag-a-alcohol ng mga kamay. Iwasin din ang paghawak sa mukha, lalo na sa ilong, bibig, at mata na siyang daanan ng virus.
Pero ang pinakaimportante? Magpabakuna! Para sa bakuna laban sa COVID-19, kailangan ng dalawang dose at dalawang booster shots. Kontra trangkaso naman, kailangan ng taunang flu shots.
Para sa karagdagang impormasyo kung paano mapangangalagaan laban sa flu sina Lolo at Lola, panoorin ang talakayan naming sa Okay Doc ng Pamilya Talk.
Narito pa ang ilan pang impormasyon ukol sa bakuna na kailangan mong malaman.
Q: Ligtas ba ang flu vaccine?
A: Yes na yes! Dumaraan sa masusing proseso at pag-aaral ang mga bakuna para mabigyang proteksyon tayo laban sa ilang sakit na nakamamatay. Kung maiiwasan naman, bakit pa isusugal ang kalusugan ng pamilya, di ba? Kung protektado tayo sa sakit gaya ng trangkaso, protektado rin tayo sa mga malulubhang kumplikasyon.
Q: Sino ang pwedeng magpa-flu vaccine?
A: Kahit sino, basta edad six months pataas, kasama na yung may comorbidities. Kitam? GANUN ka-ligtas at effective ang flu vaccine, pwede sa mga baby at pati na sa tanders.
Q: Kailan dapat magpa-flu vaccine?
A: Sa Pilipinas, mas mainam na mula February hanggang June, bago magsimula ang tag-ulan. Pero kung di ka umabot, okay lang na magpabakuna kahit anong petsa. Mas mabuti na yung protektado kaysa sa hindi.
Q: Bakit taun-taon kailangang magpabakuna laban sa trangkaso?
A: Para laging updated at siguradong mabisa pa ang proteksyon mo. Humihina ang bisa ng flu vaccine habang nagtatagal. Bukod pa rito, dahil buhay ang virus, lagi itong nagbabago. Kailangang updated ang bakuna mo para handa ang katawan kontra sa mga pagbabagong ito.
Q: Garantisado bang hindi na ako magkaka-trangkaso kung bakunado na ako?
A: Hindi. Maaari ka pa ring magkasakit, pero dahil protektado ka ng bakuna, malamang ay mild o mahina lamang ang sintomas mo.
Q: Saan puwedeng magpabakuna kontra flu?
A: Makipag-ugnayan sa health center o family doctor ninyo. Pero sabi nga ni Tito Jorge, Presidente ng the Federation of Senior Citizen Association of the Philippines, Inc., LIBRE ang flu shots para sa senior citizens.
Kaya tandaan:
Walang katotohanan na masama sa katawan at kalusugan ang bakuna. Masusi itong pinag-aralan ng mga eksperto para protektahan tayo sa mga sakit na nakamamatay. Dahil sa bakuna, pwede namang maiwasan ang mga sakit na ito, pati na ang mga kumpliksayong dulot ng mga ito.
Hindi lang ligtas ang bakuna. Nakakapagligtas din ito ng buhay, lalo na sa mga nakatatanda.
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected]
- Latest