LuzViMinda

Mayorya ng taong bayan ang natuwa sa SONA noong Lunes. Magandang mga simulain ang narinig mula kay Presidente Marcos. Tanggap natin na ang atensiyon ng bagong saltang administrasyon ay matututok sa kung anong minanang kalagayan ng bansa. Sa ipinamahaging plano ng Presidente, panatag ang ating kalooban sa kanyang panukalang  tugon sa suliranin. Wika ng isang magiting na nakamasid, kakaiba ang taas ng mga targets ng pangulo para sa kanyang gabinete. Talo pa raw ang mga board meeting ng top 100 business corporations.

Sa administrasyon, walang nagdududa na kayang abutin ni Presidente ang ganitong katatayog na ambisyon. Sa mga nakatrabaho niya noong siya’y Gobernador at Senador, alam na siya ay workaholic at nakatutok sa mga proyekto. Maging sa mga paninira tungkol sa kanyang mga kuwalipikasyon, walang kailanmang nakapagsabi na ito’y tamad o hindi seryoso sa kanyang trabaho.

Kung kaya masigla pati ang business community. Sa nasaksihan nila hindi lamang sa SONA kung hindi na rin sa naunang mga desisyon ng Presidente—sa kanyang mga pinili sa gabinete, sa pagtaas ng interest rates at sa mga pag-veto niya ng mga batas na maaring maging pabigat.

At bilang kabalikat sa kanyang bubunuin, nabuo na rin ang liderato ng Kongreso—sa mataas at mababang kapulungan na parehong makakatrabaho ni Presidente sa kanyang misyon. Maganda ang line-up na nangyari dahil LuzViMinda ang naging resulta. Si Senate President Juan Miguel Zubiri ay anak ng Mindanao habang si House Speaker Ferdi­nand Martin Romualdez ay tubong Leyte. Sakop lahat.

Hindi madali ang iniwang kargo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Sa kanyang tahasang Build Build Build program at sa naging tugon ng pamahalaan sa pandemya, tala­gang kinailangan natin ang pondo na siyang nagbaon sa atin sa utang. Kinailangan natin marinig ang matinding strategy­ ng bagong pamunuan upang matapatan ang ganitong panga­ngailangan.

Buong buo ang aking kumpiyansa na, sa ilalim ni Pre­sidente Marcos at ng kanyang LuzViMinda na pangkat, tayo’y may gobyerno na kakayaning lampasan ang sadlak na kinalalagyan.

Show comments