EDITORYAL - Huwag sayangin ang bakuna
Mahigit 1.5 milyong doses ng bakuna ang mag-e-expire sa katapusan ng Hulyo. Sampung araw na lang at mawawalan na ng bisa ang mga ito. At kapag nangyari ito, malaking pera ang masasayang. Ang mga bakuna (AstraZeneca at Moderna) ay binili ng mga pribadong kompanya sa mahal na halaga. Ang AstraZeneca ay nagkakahalaga ng $5 bawat isang dose samantalang ang Moderna ay $27.
Sinabi ni Go Negosyo founder Joey Concepcion na nararapat gamitin ang bakuna kaysa hayaang ma-expire ang mga ito. Malaking pera ang masasayang at hindi rin biro ang pinagdaanang hirap ng mga pribadong kompanya para makabili ng bakuna. Mariing sinabi ni Concepcion na dapat gamitin bilang booster ang mga bakuna. Marami umano ang willing magpabakuna subalit ang mga awtoridad ang mabagal sa pagsasagawa. Hinimok ni Concepcion ang Health Technology Assesment Council (HTAC) na baguhin ang age limit ng bibigyan ng ikalawang booster shot sa 50-59 anyos. Subalit hindi kumikilos ang Food and Drugs Administration (FDA). Sa United States pinayagan na ang pagbabakuna para sa second booster sa mga may edad 50 pataas makaraan ang apat na buwan mula nang huling mabakunahan.
Sinabi kamakalawa ng Department of Health (DOH) na target nilang makapagbakuna ng 23 milyong Pilipino bago ang 100 araw ni President Marcos Jr. Ayon kay DOH officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire, first booster shots ang kanilang ipagkakaloob sa mamamayan. Ang plano ay inihayag mismo sa pakikipag-meeting kay Marcos sa Malacañang. Nasa 50 milyong Pilipino umano ang nangangailangang ng first booster shots.
Kung ito ang plano, simulan na ang pagbabakuna habang hindi pa nae-expire ang mga bakuna. Huwag nang hintayin pang masayang ang mga bakuna na binili nang mahal. Tama si Concepcion na marami ang willing magpabakuna subalit mabagal kumilos ang DOH. Dagdagan sana ang pagsisikap na makapagbakuna nang mararami lalo’t umaakyat ang bilang ng mga nagkaka-infection.
- Latest