Ang nakalakihan nating kultura ng palakasan ay nakasentro sa atletang Pinoy, hindi sa Pinay. Sa ipinanganak noong 1960s hanggang 2000, basketball lang at boxing ang nakagisnang may pambansang tumataguyod na fans, may suporta ng sponsor at naglalakihang mga liga.
May mangilang sport na pasulpot-sulpot, tulad ng swimming, track and field at weightlifting subalit kadalasan ay nagkakaalaman ito sa Southeast Asian Games at Olympic Games. Hindi tuloy makalikha nang malakihang fanbase na mitsa sana ng kasikatan.
Nandiyan din ang mga individual sports tulad ng golf at tennis na magastos tustusan kaya kulang sa popular support. Sumikat din sa mundo sina Bata Reyes at Django Bustamante sa bilyar. Hindi lang gaanong natularan ang kanilang tagumpay.
Hanggang hindi pumupuntos sa international, mahihirapang magkaroon nang malawakang suporta dito sa atin.
Nagbago ito nang maiangat ang presensiya ng Philippine sports sa global stage itong bagong milenyo. Kapag may international success, taas noo ang buong bansa na kasamang dumadamay.
Ang naging mitsa ay ang pagpalaot ng mga OFW. Isang bunga ng kanilang sakripisyo ang lumalaking sektor ng kapamilya nilang nasasalinan ng ibang lahi, kultura, at oportunidad. Kung kaya maging sa mga sports na hindi natin nakasanayan, bigla na lang tayo nakikipagsabayan.
Nag-umpisa ito sa Azkals ng Men’s football sa unang dekada ng 2000s. Halo ng homegrown talent at ng mga laki sa ibang bansa, nanguna sila sa pagbulusok natin sa mundo. Itong 2020s, sa individual sports tulad ng tennis at golf ay mayroon namang mga Pinay na lumutang sa mga Major at Grandslam tournament, sina Yuka Saso, Leylah Fernandez at ang homegrown na si Alex Eala. Sa weighlifting, siyempre si Boss Hidilyn Diaz. At sa football, ang ating womens team ay ipinagmamalaki sa pagkapanalo sa Asean Football Federation (AFF) Women’s championship noong nakaraang linggo. Tinalo lang naman ang powerhouse teams ng rehiyon: Australia, Vietnam at Thailand.
Hindi lang Pinoy kung hindi Pinay na rin ang pinaguusapan kapag kultura ng sports ang nasa agenda.