MATAGAL nang problema ang baha sa Metro Manila at hanggang ngayon hindi pa nareresolba at lumalala pa. Matindi ang pagbaha ngayon ang nararanasan sapagkat sa kaunting pag-ulan lang, apaw na ang mga kalsada at matagal bago humupa. Walang madaanan ang tubig baha kaya naiistak nang matagal. Basura ang dahilan kaya mabagal bumaba ang tubig. Nakabara sa mga daanan ng tubig. Umaapaw sa basura ang mga kanal, estero at sapa.
Noong Sabado ng gabi, dumanas na naman ng baha ang maraming lugar sa Metro Manila. Bumaha sa España Boulevard, Rizal, U.N., Qurino at Taft Avenues, Padre Faura Street sa Maynila; Araneta Avenue at Mother Ignacia sa Quezon City: Rizal Avenue at Monumento sa Caloocan City; Pasong Tamo Street at Buendia Avenue sa Makati City at ilang kalsada sa Pasay City.
Pawang plastic na basura ang inanod sa Araneta Avenue, Quezon City. Mga single-use plastics, sachet ng 3-in-1 coffee, shampoo, catsup, shopping bags, cup ng noodles at marami pang iba. Apat na trak ng basurang plastic ang nakuha sa Araneta Avenue, sabi ng barangay chairman ng lugar.
Basura rin ang dahilan kaya laging bumabaha sa España Blvd. Pagkatapos ng baha makikita ang mga nakakalat na single-use plastic na posibleng galing sa isang palengke sa Vicente G. Cruz St. Matagal nang problema ang baha sa España subalit hindi masolusyunan. Tinaasan na ang kalsada pero nananatili pa rin ang problema.
Inamin na noon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na mga basura ang dahilan nang pagbaha na karamihan ay pawang plastic. Hindi raw kaya ng pumping stations na pabilisin ang pagliit ng baha dahil sa mga basurang plastic. Ayon sa MMDA, 66 pumping stations ang nag-ooperate sa Metro Manila pero kapag nabarahan ng plastic, nasisira ang operasyon. Kadalasang informal settlers na nasa pampang ng estero ang nagtatapon ng mga basurang plastic.
Malaking hamon kay DENR secretary Ma. Antonia “Toni” Yulo-Loyzaga ang plastic na basura. Nangako si President Marcos Jr. na lilinisin ang kalat ng plastic. Hamon din sa Metro Manila Development Authority ang basura. Regular na paglilinis o declogging sa drainages ang nararapat. Ipag-utos naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga kapitan ng barangay na paigtingin ang pagbabantay sa mga magtatapon ng basura sa mga kanal, estero, sapa at imburnal. Kastiguhin ang mga ito sa pag-apaw ng mga plastic na basura.