ANO nga ba ang nakikita ni Juan Dela Cruz sa litratong food packs para sa mga biktima ng sakuna sa Banaue at Ifugao?
Ang nasabing litrato ay unang lumabas sa Facebook Page ng non-government organization na Angat-Buhay ni dating VP Leni Robredo. Pinick-up naman ito ng Inquirer at ipinost din sa kanilang social media.
Himutok ng mga netizens, “credit grabber” daw ang ginawa ng Angat-Buhay dahil ang mga nasabing food packs ay nagmula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
May ilang natuwa dahil nagsanib puwersa na raw si Atty. Leni Robredo at DSWD Sec. Erwin Tulfo para makatulong sa taumbayan.
Kaya si Sec. Erwin, agad nilinaw ang mga haka-haka. Hindi umano gumagamit o pinadadaan ng DSWD ang mga ayuda sa anumang NGO. Diretsong inihahatid ng DSWD sa tulong ng LGU ang mga tulong ng gobyerno.
Ayon sa kalihim, tila naisama umano ng lokal na pamahalaan ang donasyon ng Angat-Buhay sa mga food packs na ipapamigay ng DSWD. Ang litrato ay kuha mula sa warehouse ng isang LGU.
Sa aking pananaw, wala akong makitang mali sa kontrobersiyal na litrato. Itong mga relief goods na nabanggit ay mapupunta rin naman sa mga taong apektado ng kalamidad.
Maaaring nagkamali ang organisasyon o ‘yung media outlet na nagbalita sa presentasyon nito sa publiko. Ang mahalaga rito, nagtutulungan ang lokal na pamahalaan at ang mga NGO.
Kaya kung litrato lamang ang pagbabasehan, sandali muna. A picture worth a thousand words—kung anuman ang nakikita mo sa isang larawan ay depende sa iyong pananaw.
Bawat larawan ay may kanya-kanyang kahalagahan, nabibigayan ng kulay depende sa indibidwal na nakatingin, kung positibo o negatibo ang kaniyang pananaw.
Kung sakaling meron mang mali, eh ‘yung pagsasama-sama ng relief goods sa isang lugar. Hindi naman natin masisisi ang local government dahil baka maliit lamang ang kanilang espasyo para sa mga donasyon.
Kaya kung meron mang leksiyon na makukuha rito, presence of mind para sa LGU. Ihiwalay ang mga donasyon ng NGOs at lugar para sa mga relief goods mula mismo sa gobyerno tulad ng DSWD.
Para kuwentas klaras. Malinaw na rito ang sa nasyonal, dito ang sa LGUs at dito naman ang NGOs.
Dahil hindi masisisi ang publiko sa kanilang pananaw at reaksiyon. Dahil dati, kapag may kalamidad, may isang tanggapan na nakikipag-unahan na pumunta sa lugar ng kalamidad para sabihing nauna sila sa nasyonal.