Sa ilalim ng ating Family Code, mayroon nang probisyon upang pawalang bisa ang isang kasal. Bakit pa kailangan ang bagong batas sa diborsiyo? Ito ay isang panukala ni Rep. Edcel Lagman na hindi napagtibay sa mga nakalipas na panahon.
Plano raw ni Lagman na isampa muli ang kanyang House Bill 78 sa papasok na 19th Congress. Sa aking pananaw, ang epekto ng annulment of marriage ay katulad din ng diborsyo. Ang mga naghiwalay na mag-asawa ay puwedeng mag-asawang muli.
Layunin daw ng panukala ni Lagman na palayin ang mga kababaihan mula sa kanilang mga malupit at mapang-abusong asawa. Iyan din ang layunin ng annulment at marami nang mag-asawa na hindi na matiis ang isa’t isa nakinabang batas na ito.
Estrikto ang mga kondisyon sa ilalim ng annulment. Kailangang mapatunayan na mapang-abuso ang lalaki, iresponsable, lasenggo, sugarol, babaero at nagsisilbing panganib sa buhay ng asawang babae.
Kung ang rason ng ipinapanukalang divorce bill ay upang pagaanin ang kondisyon sa paghihiwalay, hindi ko sinasang-ayunan ito. Naniniwala pa rin ako sa sinasabi ng Biblia na ang pinagtali ng Diyos ay ‘di dapat papaghiwalayin ng tao.
Pero kung talagang posibleng mapatay ang babae sa piling ng abusive husband, dapat talaga ng ilayo sa panganib ang isang babae. Sa America ay napakaluwag ng pagkuha ng diborsiyo ng mag-asawang gustong maghiwalay.
Pati personal hygiene at paghihilik ay puwedeng gawing rason. Kahit kakakasal lang ngayon, puwede nang magdiborsiyo bukas. Huwag namang ganyan. Ang kasal ay sagradong institusyon na dapat pahalagahan.