Artificial Intelligence: Nakabubuti, Nakasisira
ARTIFICIAL Intelligence (AI) ang ikatlong antas ng computing.
Unang antas ang pag-memorya ng chips sa sinulat, kinuwenta, nilarawan o isinamusika ng may akda. Pinagaan nito ang bahagi ng utak ng tao na nagsasaulo ng datos. Napadali ang gawaing sining at agham: pag-drawing ng cartoons, pagretoke ng litrato, pagdisenyo ng damit at bahay, pag-asinta ng baril, at pagsaliksik ng gamot at outer space.
Ikalawang antas ang Wi-Fi na nagbunsod ng social media. Nakakapag-usap ang tao nang sabay-sabay mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nakakapagpalitan ng audio at video. Dagliang naipapaabot ang balita at babala. Napapabilis ang serbisyo ng gobyerno: pag-issue ng permits, reseta sa gamot, ayuda at responde sa sakuna. Napabilis din ang pagsuri ng customer sa produkto online, pag-order at pag-deliver.
Sa AI hindi lang memorya at komunikasyon ang nagagawa. Gamit ang “machine learning”, nilalamanan ng trilyun-trilyong datos ang memory chips. Pina-aanalisa ito sa robot para lumikha ng bagong kaalaman. Kung ang lumang robot ay kayang magtahi, assemble ng kagamitan o hugas ng plato, ang AI robot ay kayang “mag-isip”. Kaya natalo ng robot ang world champion sa kumplikadong larong Go. Wala na ring chess grandmaster na makatatalo sa robot. Makagagawa ang AI robot ng iba pang robot at mapapasahan ng dagdag pang “talino”.
Ang nakatatakot sa AI ay kung mapasakamay ito ng malulupit na gobyerno o kompanya. Gagamitin ang robots pansupil sa tao. Ipapa-zap sa robots ang mga kritiko at malayang namamahayag. Tulad ng WeChat at Weibo sa China at ng Vkontakte sa Russia—mga pinagsamang bersiyon nila ng Facebook, Twitter, Viber, Messenger, PayPal, GCash, at iba pa—mamanmanan ang mamamayan. Pasusunurin lahat sa kagustuhan ng diktadurya o ng mega-conglomerate.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest