Sa talumpati ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes, binanggit niya ang problema sa plastic pollution. Ayon sa kanya, ikatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na nagko-contribute sa plastic pollution. Nangako siya na sosolusyunan ang problema. Hindi tatakasan ang problemang ito at lilinisin ang mga kalat.
Maganda at habang maaga, napagtuunan ni Marcos ang problema sa plastic pollution na nakaligtaan o napabayaan ng mga nagdaang presidente. Dahil sa kapabayaan, sikat ang Pilipinas sa pagiging plastic polluter.
Katunayan sa pagiging plastic polluter ay ang tone-toneladang plastic na basura sa Manila Bay na iniluwa ng Pasig River. Ayon sa pag-aaral na nalathala sa Science Advance Journal, ang Pasig River ay nakakapag-contribute ng mahigit 356,000 metriko tonelada ng plastic na basura sa karagatan bawat taon.
Problema ang plastic na basura hindi lamang sa Metro Manila kundi sa maraming lugar sa bansa. May mga ipinatupad na batas ukol sa pagbabawal sa paggamit ng plastic pero ningas kugon lamang. Sa simula lang ipinatutupad at pagtumagal, wala na.
Noong Pebrero 12, 2020, inaprubahan ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) ang isang resolusyon na nagbabawal sa single-use plastics sa lahat ng government offices. Inatasan ng NSWMC ang Department of Environment ang Natural Resources (DENR) na ipatupad ang kautusan. Subalit wala nang narinig ukol dito. Patuloy pa rin ang paggamit ng single-use plastics.
Ang mga single-use plastics na kinabibilangan ng sachets ng shampoo, hair conditioner, 3 in 1 coffee, catsup, toothpaste, straw at mga sando bags na karaniwang ginagamit sa palengke ang nakatambak sa mga estero at kanal na nagiging dahilan nang pagbaha.
Nagbabala ang coalition ng environmental groups na kung hindi gagawa ng paraan ang pamahalaan para mabawasan ang paggamit ng single use plastic, aapaw ang may 59.7 bilyong sachets sa Metro Manila.
Ngayong nangako si President Marcos na lilinisin ang mga basurang plastic, pakilusin na niya sa lalong madaling panahon ang DENR at iba pang ahensiya upang mapigilan ang plastic pollution. Bago pa maging huli ang lahat.