EDITORYAL - Tuunan ng pansin ang agri sector
Malaki ang problema ng sector ng agrikultura at nangangailangan nang malawak na atensiyon. Hindi ito dapat balewalain. Kapag binalewala ang problema, maraming Pinoy ang mamumuti ang mga mata sa gutom. Nakakahiya kapag nangyari ito sapagkat agrikultural na bansa ang Pilipinas.
Sa mga nakalipas na taon, nakadepende ang bansa sa pag-import ng agricultural products gaya ng bigas, asukal, isda at maski gulay. Wala nang ginawa kundi ang umangkat nang umangkat ng bigas sa Thailand, China at Vietnam. Ayon sa mga naging pinuno ng Department of Agriculture (DA), kakapusin daw ang suplay ng bigas kaya kailangang mag-import. Marami umano ang magugutom kapag hindi nag-import. Hanggang sa masanay na sa kai-import at hindi na gumagawa ng paraan kung paano mapaparami ang lokal na ani. Maraming nakatiwangwang na lupain na hindi na pinagsikapang bungkalin para matamnan ng palay at iba pang pananim na makatutugon sa pangangailangan. Mas mabilis nga naman ang bumili ng imported na bigas kaysa magtanim.
Sa nakaraang Duterte administration masyadong nagdepende ang bansa sa imported na bigas, asukal at isda. Kamakailan, inaprubahan ni outgoing Agriculture Secretary William Dar ang importasyon ng asukal at isda. Sinisi pa ni Dar ang local government units (LGUs) kung bakit nagkakaroon ng kakapusan sa pagkain at kailangang mag-import. Kakatwa namang nasangkot ang mga opisyal ng DA na protector ng smugglers ng gulay. Maging ang mga taga-Customs ay dawit din sa smuggling ng agri products.
Sa talumpati ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes, ipinangako niya na makakamit ng bansa ang food self sufficiency at babawasan ang pag-import ng pagkain. Sabi niya ang pagpaparami ng pagkain ang nararapat sapagkat ito ang kailangan ng mamamayan. Ito umano ang kanyang tututukan bilang kalihim ng agrikultura. Sa ibang bansa, ayon kay Marcos, ang sector ng agrikultura ang prayoridad at binubuhusan ng suporta.
Kapag nangyari ang mga sinabi ni Marcos, wala nang imported na kanin sa hapag ng mga Pilipino. Ito ang nararapat mangyari.
- Latest