Walang kuwenta si mister

(Part 1)

Ang paglusaw ng kasal ng korte dahil sa psychological incapacity ng isa sa mag-asawa ay hindi nangangahulugan na sinisira na ang pundasyon ng pamilya bagkus ay pinapahalagahan pa nga ang pagiging sagrado nito. Ang ginagawa lang ng korte ay hindi nito pinapayagan na magpatuloy pa ang taling nagbibigkis sa isang taong may sakit na psychological incapacity at walang kakayahan na gampanan ang mga obligasyon niya bilang asawa na manatili sa kasal. Ito ay pinapaliwanag sa kaso nina Remy at Danny.

Magsiyota sina Remy at Danny mula pa noong high school. Kahit na may pagdududa pa si Remy sa katapatan at pag-uugali ni Danny lalo sa pagiging lasenggo at sugarol nito ay pinili pa rin niya na sumama sa lalaki hanggang magpakasal sila. Hindi nga lang nagbunga ang kanilang pagsasama. Matapos ang pitong taon ay nagsampa si Remy ng petisyon para mapawalang-bisa ang kanilang kasal ng RTC alinsunod sa Art. 36 – Family Code dahil hindi raw kaya ni Danny na gampanan ang tungkulin sa kasal bilang isang asawa.

Ayon sa salaysay ni Remy ay isang linggo pa lang pagkatapos ng kasal nila ay nagulat na ang babae na malaman na naubos ni Danny sa sugal at sabong ang lahat ng perang natanggap nilang regalo sa kanilang kasal, imbes na ideposito sa banko.

Sa mga sumunod daw na buwan ay napansin naman nito ang pagbabago sa ugali ni Danny. Kahit pa nagbibigay si Remy ng tulong pinansyal para gawing kapital sa mga planong negosyo ni Danny ay lagi naman nauubos ito sa sugal at pag-inom kaya napipilitan siya na magdoble-kayod sa pinapasukan na dental clinic para lang may pambayad sila sa pagkain, kuryente at tubig.

Ang masama pa nito, kapag umuwi si Remy na walang pera para sustentuhan ang pagsusugal ni Danny ay panay ang pananakit at pagmumura nito sa kanya.  Sa kanilang pag-aaway ay madalas din siyang takutin nito at tutukan ng kutsilyo. May ilang beses din na sinusuntok siya ni Danny at ang nagagawa lang ni Remy ay salagin ng braso ang mga ito kapag hindi niya sinuportahan ang bisyo ng asawa. Minsan pa nga ay pinagbantaan nito na susunugin ang bahay ng nanay ni Remy.

Nalaman din ni Remy na maraming karelasyon na ibang babae si Danny. Pati sustento ni Danny sa sariling ina ay pinasasagot nito kay Remy. Hindi rin alam ni Remy na nangutang si Danny ng P300,000 at dahil sa pananakot sa kanya ng pinagkautangan ng asawa ay tuluyang naospital ang pobreng babae dahil sa nerbyos. Nang hindi na niya makayanan ang lahat, nagreklamo na si Remy at nanay niya sa pulisya para makakuha ng Barangay Protection Order laban sa lalaki.

(Itutuloy)

Show comments