Bagong pag-asa
Katulad ng inaasahan, tinuldukan kahapon ng Mataas na Hukuman ang anumang hamon sa pagkapanalo ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM). Sa botong 13-0, na walang tumutol at may dalawang miyembrong hindi lumahok, pinasya na walang iregularidad na naganap sa kandidatura ni BBM.
Maaring magsampa pa rin ng Motion for Reconsideration ang mga petitioner. Ito ay karapatan ng sinumang dumulog sa hukuman. Subalit sa ganyang unanimous na boto, malabo nang magbago pa ang isip ng mga mahistrado.
Kung kaya wala nang natitirang balakid sa paninilbihan ni BBM bilang ika-17 Presidente ng Pilipinas. Pormalidad din lang naman ang desisyon ng Korte. Walang malawakang protesta na sumalubong sa resulta ng eleksyon. Paano nga naman eh kung record breaking ang boto ni President BBM na mahigit doble ang lamang sa segunda; at hinigitan pa ng kanyang total ang pinagsamang boto ng lahat ng kalaban?
Naging ugat man ng mapait at mapusok na hidwaan ang kanyang kandidatura sa simula, nang matapos ang kampanya ay malinaw pa sa sikat ng araw na hindi ito nagresulta sa pagkahati ng 50-50 ng lipunan. Nakumpirma ng resulta na handa ang higit na malaking bahagi ng mamamayang Pilipino na bigyan ng pagkakataon si BBM. Handa tayong patunayan ni BBM ang kanyang kakayanan bilang presidente.
Mula sa sandaling ito, mas ikabubuti ng bansa kung bawat isa sa atin ay tumingin sa landas na hinaharap, imbes na sa daang pinanggalingan. Sa ganitong paraan natin malalampasan ang mabigat na hamon na iniwan ng kasaysayan.
Bilang isang lingkod bayan, akademiko at abogado, bahagi ng aking obligasyon sa komunidad ang maging mapanuri. Maari itong gawin ng sinuman nang hindi nagiging mapanghadlang. Kuwestiyunin kung kailangang intindihin subalit gawin sa paraan na mas ikauunawa ng madla.
Bukas ng tanghali, susumpa na ang ating bagong presidente. Bukas ay mabibigyan tayong lahat ng bagong umaga at bagong pag-asa. Pag-asa para sa kinabukasan at pag-asa na, sa wakas, gagaan ang pasang krus na ilang dekadang nagpabigat sa ating dalahin.
- Latest