NAGTI-TIP ang customer bilang pasasalamat o panghikayat ng magandang serbisyo. O dahil sa awa sa liit ng kinikita ng serbidor. O dahil kaugalian ‘yon sa lugar. O para magpasiklab.
Iba-iba rin ang alituntunin sa pagti-tip. Sa hotel karaniwang iniiwan ng guest ang tip sa ilalim ng baso sa may lababo, para kunin na lang ng room cleaner. Sa Japan ayos-na-ayos ang kuwarto tuwing balik ko, pero nandu’n pa rin ang iniwan kong tip. Maski dinagdagan ko pa ang halaga araw-araw, hindi kinukuha ng tagalinis. Natiyempuhan ko siya nagtitiklop ng kumot pagpasok ko. Tinanggihan niya ang pera na iniabot ko. Para hindi ako mapahiya sa kapipilit, tinanggap din niya, pero inabutan naman niya ako ng chocolate bar na tila pang-meryenda niya. Ang lalim ng bow at lapad ng ngiti namin sa isa’t isa sa palitang ‘yon.
Sa restoran sinusuksok ko ang tip sa box sa tabi ng kahera -- para pati siya at kitchen staff ay mapartehan. Nakakapagtaka na sa New York ay bawal partehan ang kusinero ng tips para sa waiters. Sa China at France hindi nagti-tip maski mayaman o opisyal ang diner; pero ang mga dayuhan nagbibigay. Sa maraming bansa hinihikayat ang pag-tip ng diners pandagdag sa kapiranggot na pasahod nila sa waiters. Sumisingil pa ng service charge at pumaparte pati may-ari.
Sa America ang tip sa restoran ay 20% ng bill. Pagkatapos ng hapunan, sinabihan ng pinsan kong kuripot ang mister niya, ‘‘Psst, liitan mo na lang ang T-I-P nitong waiter na aali-aligid. Pangit ang service niya.’’ Tinitigan siya ng Kano at nagtanong, ‘‘Are you talking about my tip, huh, my tip?’’ Tawa kami nang tawa nu’ng mister. Akala yata ni pinsan kapag ini-spell niya ay Tagalog na. Pahiya siya.
Sa Pilipinas tini-tip din ang parking attendant, mekaniko, gas boy, taxi driver, deliveryman, receptionist, bellboy, manikurista, barbero, facial tech, masahista, folk singer, lab tech, elevator girl at lady guard.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).