PAALIS na nga lang ng Department of Agriculture si Secretary William Dar, andami pang satsat! Kung sinu-sino ang sinisisi.
May mga tao talagang magaling magbigay ng rason. Matinik sa paggawa ng dahilan kung bakit hindi nila nagawa o pumalpak lang sila o pinagtatakpan ang kanilang kapalpakan.
Hindi nila maamin sa sarili na nagkulang sila dahil ayaw ilagay ang sarili sa kahihiyan. Kaya ang ending, isinalba ang sarili, nagturo at nanisi.
Hindi kasi magandang pakinggan ang sinasabi ni Sec. Dar na paninisi sa lokal na pamahalaan sa kawawang kalagayan ng mga magsasaka. Kasalanan daw ng mga tutulug-tulog na LGU kung bakit bigo ang pamahalaan na tulungan ang ating mga magsasaka.
Oo, sabihin na nating may kakulangan nga ang ilang LGU. Kami mismo sa BITAG ay may karanasan sa ganitong problema ng mga magsasaka.
Subalit hindi ibig sabihin na sila lang ang may pagkukulang, na para bang LGU lang ang nagkamali at may kasalanan ng lahat.
May kinalaman kayo diyan sa DA na hindi n’yo lang basta puwedeng ituro ang sisi sa LGU na para kayong naghuhugas ng kamay.
National office kayo diyan sa DA na dapat nagbibigay ng mandato sa ibaba. Mula sa inyong tanggapan, pababa sa rehiyon, pababa sa mga probinsiya’t munisipyo.
Kung ang ibig n’yong sabihin na andiyan lang kayo sa DA at kayo dapat ang nilalapitan ng mga nasa ibaba, aba’y napakawalanghiya naman ng ganyan.
Kaya ito ngayon si Sec. Dar, sinisisi ang mga lokal na pamahalaan dahil hindi raw natulungan ang mga magsasaka. Ginising ni Sec. Dar ang publiko para pasagutin ang mga tamad na lokal na opisyal.
Nagsalita ang magaling! Kasama ka roon Sec. Dar sa mga natutulog sa pansitan. Kaya nga mayroong municipal, provincial at regional agricultural offices.
Ang problema, baka kasi ang gusto lang ata ng sekretaryo ay ‘yung nasa kuwarto lang siya. Sarap talaga ng lamig ng aircon ano?
Bago ka manisi at magturo ng iba, umako ka muna ng pagkukulang mo bilang pinuno ng ahensiya. Siguro naman, alam mo Sec. Dar ang salitang mea culpa!