Pangamba sa pagmimina
Matagal nang nilalabanan ng indigenous peoples ng Bgy. Bulalacao, Mankayan, Benguet ang tangkang pagmimina ng ginto ng Crescent Mining Development Corporation (CMDC) sa kanilang lugar. Malaki ang pangamba nila na makasisira ito imbes na makatulong.
Subalit tila mawawalan ng saysay ang kanilang pagsalungat sapagkat naindorso na ng Mines and Geosciences Bureau at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Cordillera ang renewal ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng CMDC. Iginawad ng DENR ang 25 taong renewal sa CMDC noong Marso 2, 2022.
Ito ay nagpapalakas naman ng loob sa CDMC para iarangkada ang proseso ng pagkuha ng Certificate of Precondition (CP) sa kabila na sinasalungat ng mga taga-Bulalacao, Mankayan ang tangkang pagmimina.
Sa nangyayaring ito, ano pa ang silbi ng Free Prior and Informed Consent (FPIC) sa mandato ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA), kung hindi sasailalim sa prosesong ito ang pagtatangka ng CMDC.
Pero hindi titigil ang mga taga-Bulalacao, Mankayan na salungatin ang pagtatangka ng CMDC sa kanilang lupang ninuno. Naipakita na nila ito sa CMDC nang magsagawa ito ng confirmatory drilling, 10 taon na ang nakalilipas. Lalabanan uli nila ang panibagong pagtatangka ng CMDC.
Hindi masisisi ang mga taga-Bulalacao kung lumaban sa CMDC sapagkat batid nila na walang benepisyo na maibibigay sa kanila ang pagmimina. Wawasakin lamang nito ang kanilang gubat at bundok at saka iiwan.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest