Peke ang kasulatan (Part 1)
Kaso ito ni Mina at ng 10 niyang kapatid. Anak sila ng mag-asawang Julio at Gracia na rehistradong may-ari ng isang parselang lupa na may sukat na 3,643 metro kuwadrado at may titulo bilang 14202. Nailabas ang titulo noon pang Marso 8, 1972. Ang lupa ay isinangla ni Julio sa panganay niyang si Mina at asawa nitong si Pacio. Nabaril si Julio. Habang nasa ospital, kinausap niya ang 10 anak at sinabi ang dalawa niyang kahilingan. Una, ang bawiin ng mga anak ang lupang nakasangla kina Mina at Pacio at pangalawa, na huwag dalhin ang kanyang bangkay sa bahay ng huli.
Noong 1982, inalok ni Andres, isa sa mga anak at tagapagmana ni Julio, na tubusin kina Mina at Pacio ang nakasanglang lupa. Ayaw pumayag ng mag-asawa dahil ginagamit daw nila ang lupa na pastulan ng mga baka.
Noong Enero 1991, nadiskubre ng magkakapatid at ng ina nilang si Gracia na nailipat na nina Mina at Pacio sa pangalan nila ang lupa sa pamamagitan ng isang kasulatan ng bentahan na ginawa di-umano noong Disyembre 7, 1970. Pirmado ito nina Julio at Gracia. Kumuha ng kopya ng kasulatan ang mga naulila ni Julio at ipinasuri ito sa NBI.
Ayon sa eksperto ng NBI, peke ang pirma nina Julio at Gracia matapos ikumpara ang pirma sa kasulatan sa mga tunay na pirma ng mag-asawa. (Itutuloy)
- Latest