Nauuso mag-subscribe at bumasa online ng serialized novels. Sinusundan ng young adults sa Asia, Americas at Europe ang mga bagong awtor. Sa kani-kanilang wika ang online novels. Pero lahat taglay ang mga elementong hinahanap ng mambabasa: drama, katatawanan, aksiyon, kapanabikan, kababalaghan, lagim, romansa, at sex.
Hindi ito tinuturing na pormal na panitikan: tradisyonal na nobela, maikling kuwento, tula, dula at sanaysay. Ganunpaman, bahagi ito ng popular na panitikan at kultura—tulad ng komiks, kuwentong biro (joke), comedy skits, music video, social media cards, gimik sa TikTok, awit sa inuman, sayaw na pakuwela (breakdance, moonwalk).
Kadalasang puna sa online serialized novels ay hindi umano napag-iisipan ang kabuuan ng obra. Sinusulat ang kasunod na kabanata batay sa reaksiyon ng mambabasa sa nakaraan. Paikut-ikot ang plot. Lumulundag sa realismo at pantasya nang walang dahilan kundi biglang kursunada lang ng awtor. Sumakay ka na lang.
Pero mangha ako sa mga awtor. Kaya ng mga pinaka-sikat sa kanila sumulat ng isang kabanata na 35,000 salita araw-araw. Aba, parang walong pahinang diyaryo ‘yon, o 80 pahina ng libro.
Ganundin naman ang mga sikat na teleserye sa mundo. Araw-araw pinipinal ang mga kabanata. Sinusulat paspasan ang script, pinipino ng direktor at mga artista bago mag-shooting, at binebenta ng producer sa advertisers. Pinulot ang istilong ‘yon mula sa radio drama at komedya, na pinulot naman sa serialized novels sa mga magasin. Kung baga umikot lang pero umangat din dahil sa teknolohiya ng kuryente, picture tube, Internet at Wi-Fi. Pakay ng popular na panitikan mag-aliw. Madalas naiinis ang matatanda sa mga kinagigiliwan ng kabataan. Pero kung ito’y nakaugalian ng huli, tatanim na ito sa kultura. At may lilitaw na bagong uri sa susunod na henerasyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).