Noong Lunes, inalala ng aming pamilya ang ika-6 na death anniversary ng aming amang si Senate President Ernesto M. Maceda.
Kapapanalo pa lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2016 nang si Manong ay biglang pumanaw. Ang ibig sabihin nito ay inabot niya ang lahat ng naging Pangulo ng Pilipinas, maliban kay Emilio Aguinaldo, mula pa kay Manuel L. Quezon.
Si Manong Ernie ay inalay ang buong buhay sa serbisyo publiko. Sa 16 na naging Pangulo bago si BBM, nakapaglingkod ito sa ilalim ng anim na administrasyon, mula kay Carlos P. Garcia hanggang kay Joseph E. Estrada. Ang nakakapanghinayang ay hindi na nito inabutan ang Presidency ng pang-17 na Pangulo ng Pilipinas, si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa lahat ng administrasyong inabot ni Manong Ernie, alam ng sumubaybay sa kanyang karera na sa ilalim ng pamunuan ni Ferdinand E. Marcos Sr. siya nabigyan ng break. Siya noon ay ginawang Secretary of Community Development (Local Government), Secretary of Commerce (Trade) & Industry, Chairman ng Commission on Government Reorganization at Executive Secretary. Napanalunan niya ang unang termino sa Senado noong 1971 bilang kandidato ng Marcos, Sr. administration.
Dahil kapwa Ilokano, naging pangalawang ama ni Manong Ernie si Apo Ferdie. Nagkaroon din sila ng paghiwalay ng landas noong Martial Law subalit hindi naging malayo sa isa’t isa si Manong at ang pamilya, lalo na sa pulitika. Lagi pa rin niyang sinusuportahan at minamanmanan ang kanilang kandidatura.
Kaya siguradong kung andito pa siya ay sadyang ikatutuwa ni Manong ang pagbalik sa Malacañang ni Pangulong BBM.
Ikasasaya rin niya ang muling pagkapanalo ng Golden State Warriors sa NBA bilang champion. Maraming team si Manong Ernie sa sports, lalo na sa Amerika kung saan siya nag-aral, nagpraktis ng law at kung saan nagsilbi bilang Ambassador to Washington. Sa baseball, siya ay fan ng New York Mets at sa basketball, ang Warriors na team ng karamihan ng Pinoy.
Sa mga nakaalala sa kanya, maraming salamat po.