Nakaamba ang krisis sa pagkain. Nagbabala na ang World Bank, World Trade Organization, Food and Agricultural Organization of the United Nations at World Food Program ukol sa kakaharaping food crisis. Dulot ito ng nanalasang pandemya at ang nangyayaring kaguluhan sa Ukraine makaraang salakayin ng Russia noong Pebrero. Mas apektado ng food crisis ang maliliit at mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas. Karaniwang ang mga mahihirap na bansa ay umaangkat ng kanilang mga pangunahing pangangailangan. Hindi mabubuhay ang mga maliliit na bansa kung hindi aangkat lalo ng pagkain.
Ang Pilipinas ay nakadepende na sa pag-angkat ng mga pangunahing produkto gaya ng bigas, asukal, isda, karne at pati mga gulay. Nakasanayan na ang ganitong praktis. Ilang presidente na ng bansa ang nagdaan subalit hindi na nagkaroon ng pagsisikap na palakasin ang ani para hindi na nakadepende sa pag-angkat. Dahil nasanay na sa ganitong angkat nang angkat, ang sariling produkto ay napapabayaan. Sa halip na ang pagbuhusan ng pansin ay kung paano mapaparami ang ani, ang pinagsusunugan ng kilay ay kung paano makakaangkat.
Hindi naman masama ang umangkat sapagkat may panahong nagkukulang ang suplay pero ang taun-taon na pag-importa—lalo ang bigas at isda ay hindi na nakakatuwa. Naturingang agrikultural na bansa ang Pilipinas pero kung umangkat ng bigas ay tone-tonelada. Nakakahiya na napakalawak ng taniman ng palay pero ang nakahain sa hapag ay kanin na prodyus ng mga magsasakang Chinese, Vietnamese at Thais. Kung tutuusin, mas malawak ang taniman ng palay ng Pilipinas kumpara sa Vietnam at Thailand pero sila ang nagpoprodyus ng masarap na kanin na nakahain sa hapag ng mga Pilipino. Kakahiya!
Malawak ang karagatan ng Pilipinas subalit pati galunggong, inaangkat. Hindi na nakapagtataka kung darating ang panahon na pati ang asin ay iimportahin na rin. Huwag naman sana dahil lalong kahiya-hiya.
Nangangako ang bagong administrasyon na pauunlarin ang agri sector sa kabila na nakaamba ang krisis sa pagkain. Pararamihin umano ang ani. Hindi raw aangkat ng produktong mayroon na ang bansa. Harinawang mangyari. At mangyayari lamang ito kung susuportahan ang mga magsasaka. Itodo ang buhos para mapaunlad ang sariling agrikultura. Panahon na para ang pagkaing nasa hapag ay ani ng Pilipino.