Kahalagahan ng kaalyado

Ang Pilipinas ay lumalakad sa “tightrope” sa gitna ng dalawang magkatunggaling makapangyarihang bansa. Ito ang pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa kanyang talumpati sa Singapore. Tinutukoy niya ang U.S. na matagal nang kaalyado ng Pilipinas at ng China na naging­ malapit lang dahil kay President Duterte. Sa totoo lang, personal na desisyon lang ni Duterte at hindi saloobin ng mamamayan ang maging malapit sa China dahil may galit si Duterte sa U.S.

Matatandaan na minura pa nga niya si U.S. President Barack Obama. Muntik na ngang ma­kansela ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pa­gitan ng Pilipinas at U.S. Sa tingin ko kaya hindi ito natuloy dahil inabisuhan siya na huwag gawin. Isipin na lang kung wala na ang kasunduang iyan. Magagawa na ng China ang lahat ng gusto niya.

Inilapit ni Duterte ang bansa sa China, kung saan halos yapusin at halikan na si Chinese President Xi Jinping kapalit ang mga pautang at pinansyal na tulong para sa mga proyekto sa ilalim ng kanyang “Build, Build, Build”. Pero ilan ba sa mga malalaking proyektong iyan ang nagsimula na o natapos? May magsasabi na marami, may magsasabi na iilan lang lalo na’t patapos na ang kanyang termino. Sa totoo nga ilang malalaking proyekto ang nasi­mulan na ng mga nakaraang admi­nistrasyon. Pinag-uusapan natin ang mga mala­laking proyektong pinondohan ng China.

Ito ang mahirap. Sasabihin ng China na kaibigan ito ng Pilipinas pagdating sa pinansiyal na tulong. Pero pagdating sa South China Sea, hindi ito matuturing na kaibigan lalo na sa ating mga mangi­ngisda. Halos wala ngang silbi ang lahat ng protestang ipinadala ng DFA sa China pagdating sa mga isyu sa karagatan. Walang nagbabago sa kaugalian ng Chinese Coast Guard. Nananatiling kawawa ang ating mga mangingisda. Hindi rin nakatulong ang mga pahayag at saloobin ni Duterte hinggil sa napanalunang kaso sa UN. Papel lang daw ito na itatapon sa basurahan. Hindi kasi admi­nistrasyon niya ang naghirap lumaban sa UN.

Alam ni Sec. Lorenzana ang kahalagahan ng pagiging kaalyado ng US. Pero magtatapos na ang kanyang termino. Hindi pa natin alam kung sino ang ipapalit sa kanya pero sa mga pahayag ni president-elect Ferdinand Marcos Jr., hindi magbabago ang patuloy na paglapit sa China. Kung magpapatuloy ang ganyang mga kilos ng China sa ating mga mangi­ngisda o barko, ma­ituturing pa bang kaibigan iyan? Ang tingin nga ay sinusubukan ng China ang pasen­siya ng Pilipinas sa Ayungin Shoal kung nasaan ang BRP Sierra Madre. Tila hinihintay na bumigay ang bansa at itigil ang pagla­gay ng mga sundalo sa kinakalawang na barko. Kapag wala nang sundalo sa BRP Sierra Madre, palulubugin na lang ito ng China.

Show comments