EDITORYAL - Iveto ang Vape Bill

Marami ang humihiling kay President Duterte na i-veto o ibasura niya ang Senate Bill No. 2239 (Vaporized Nicotine and Non Nicotine Products Regulation Act) na ipinasa ng Senado noong Dis­yembre 2021. Bababa na sa puwesto si President Duterte sa Hunyo 30 at may maganda siyang ma­iiwan kung hindi niya lalagdaan ang nasabing panu­kalang batas na kahit saang anggulo tingnan, walang kapakinabangan.

Ang masama pa sa panukalang ito, binabaan pa ang edad ng mga kabataan na makabibili at makaga­gamit ng vape. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos ang makaka-access. Isang tuwirang pag­hikayat sa mga kabataan na magbisyo.

Nang ipasa ang Vape Bill, maraming health advo­cates at iba pang sector ang umalma. Sinabi ng mga doktor na delikado ang vape sa kalusugan. Katulad ng sigarilyo, mapanganib ang paggamit nito. Sinabi ng Department of Health (DOH), kumu­kontra ang panukalang batas sa pinu-promote ng pamahalaan na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Nagtagumpay na anila ang bansa sa pagkontrol sa tabako pero nagkakandarapa naman para isulong ang paggamit ng vape.

Ayon sa mga pag-aaral, ang vape ay may sangkap na chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nakaka-addict at nagiging dahilan ng cancer. Noong 2018, nakapagtala ang Pilipinas ng kauna-unahang e-cigarette associated lung injury na kinasang­kutan ng 16-anyos na babae sa Visayas. Ayon sa report, second hand smoke ang tumama sa babae na nalanghap sa mga kasama sa bahay na guma­gamit ng vape.

Maigting ang panawagan nang maraming sector at mga tanggapan ng pamahalaan na ibasura ni President Duterte ang Vape Bill. Isa ang Department­ of Education (DepEd) sa nananawagan sa presidente. Ayon sa DepEd, nararapat protektahan ang mga kabataan sa bisyong ito. Mahigit na 40 medical groups ang humihiling sa presidente na ibasura ang kontrobersiyal na panukala sa vape.

Galit si President Duterte sa illegal drugs, sa sigarilyo at siyempre sa vape. Kung marami ang mananawagan na huwag niyang lagdaan ang Vape Bill, makikinig at susunod ang presidente sa boses ng nakararami. Mag-alsa boses ang lahat para ibasura ang Vape Bill.

Show comments