Nito lang Marso, buwan ng kababaihan, idineklara natin sa lungsod ang zero-tolerance policy laban sa karahasan at pang-aabuso sa mga babae, kabataan at LGBTQIA+.
Kasabay ng aking deklarasyon, nanumpa ang mga lalaking empleyado at opisyal ng Quezon City Hall na “hindi kailanman mang-aabuso, kukunsintihin, o mananatiling tahimik tungkol sa violence against women (VAW)”. Sumanib din sila sa samahang MOVE o Men Opposed to Violence Everywhere.
Kaya nadismaya ako nang ireport sa aking tanggapan ang tungkol sa pambabastos ng isang mataas na opisyal ng lungsod sa kanyang babaing staff.
Matapos ang imbestigasyon ng Committee on Decorum and Investigation (CODI) at ilang hearing, napatunayang guilty sa less grave offense ng sexual harassment ang opisyal. Anim na buwang suspensiyon ng walang sahod ang hatol ng Disciplining Authority na pinamumunuan ni Vice Mayor Gian Sotto. Patuloy rin ang imbestigasyon sa isa pang mataas na opisyal ng lungsod sa umano’y pambabastos sa ‘di bababa sa dalawang babaing staff.
Magsilbi sana itong babala na hindi ako mangingiming magsuspinde o magsibak ng mapapatunayang harasser.
Ayon sa United Nations Entity for Gender Equality and the Empowerment of Women (UN Women), isa sa mga pumipigil sa mga biktima para magreport ang kawalan ng tiwala sa mga awtoridad na kadalasan ay mga lalaki.
Bilang tugon, pinirmahan ko ang Executive Order No. 12, s-2022 kung saan inayos ang komposisyon ng CODI-Executive Department alinsunod sa CSC Memo Circular No. 11, s-2021 at R.A. 11313 o Safe Spaces Act. Nakasaad dito na dapat pinamumunuan ng isang babae ang CODI at hindi bababa sa kalahati ng miyembro nito ay mga babae.
Kasunod nito, itinalaga si City Assessor Atty. Sherry Gonzalvo bilang bagong chairperson ng CODI-Executive Department.
Sa pagbabagong ito, mapawi sana ang takot ng mga biktima na hindi sila paniwalaan at sila pa ang sisihin. Sinisiguro ko na may awtoridad na handang tumulong at pakinggan ang kanilang pinagdaanan.
Tiwala ako na kaya nating gawing tunay na safe space ang lungsod para sa lahat ng babae, kabataan at LGBTQIA+, kung saan mapaparusahan din ang mga mapagsamantala.
Bawal ang bastos sa QC!