UMAANGKAT na naman si Agriculture Sec. William Dar ng 38,695 tonelada ng isda mula China ngayong Hunyo. Butal daw ‘yon ng inotorisa niyang angkat na 60,000 tonelada nu’ng Enero-Marso.
‘Yan na nga ba ang inaangal ng sektor ng pangisdaan. Angkat nang angkat si Dar maski may huli ang commercial fleets at maliliit na mangingisda, at puno ng tilapia at bangus ang fishpens at ponds. Nalulugi sila tuwing umaangkat si Dar: 62,000 tonelada nu’ng Oktubre-Disyembre at 60,000 tonelada pa uli. Hindi naman maibenta sa palengke ang imported kaya hayan, 21,305 tonelada lang ang naisalya.
Sa kaaangkat ni Dar ng isda pati gumagawa ng feeds tumutumal ang benta. Panay din ang angkat ng mais; nalulugi ang mga nagtatanim.
Tuluy-tuloy din ang angkat ng poultry at pork. Lumpo na ang mga Pilipinong magmamanok, magbababoy at tagagawa ng patuka at pakain.
Umaangkat din ng carrots, sibuyas, broccoli, bawang, luya at prutas. Dahil bagsak-presyo mula China, hindi maibenta ng Pilipino ang sariling tanim. Tinatapon na lang sa tabing kalsada ang ani.
Pati asukal inaangkat ni Dar sa kalagitnaan ng milling season ng mga Pilipinong magtutubo. Lugi sila -- pati magpapalay, magmamais, maggugulay, magpuprutas -- dahil mahal ang pataba at pestisidyo.
Wala nang gana ang mga Pilipino magtanim, mangisda at magpalaki ng pagkaing hayop. Hindi sila tinutulungan ng Department of Agriculture. Ang baba pa ng import tariffs sa pagkain. Kaya walang pera pang-irigasyon at pampaunlad ng sakahan, pangisdaan at paghahayop.
Napipinto ngayon ang global food crisis. Nananawagan si Dar sa lahat, pati taga-siyudad, na magtanim, mangisda, mag-poultry, piggery at fishpond. Bakit hindi na lang pasiglahin ng DA ang agrikultura? Handa namang bilhin ng mga taga-siyudad ang gawang Pilipino.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).