EDITORYAL - Excise tax sa petrolyo suspendihin na
Sa Martes ay magtataas na naman ang petroleum products. Malaki ang itataas sa diesel at gasoline. At ang balita, linggu-linggo na ang pagtataas dahil sa tumitinding labanan sa Ukraine dahil sa invasion ng Russia na umabot na sa 100 araw.
Ang nakapanlulumo, kasabay sa pagtataas ng gasoline at diesel ay ang pagtataas din ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng tinapay, sardinas, noodles, kape, gatas at iba pa. Hindi na raw mapipigilan ang pagtaas dahil nagmahal ang sangkap gaya ng arina. Apektado ng giyera sa Ukraine ang presyo ng arina. Ang supply ng arina ay galing sa Russia.
Mayroon namang magagawa ang pamahalaan para mabawasan ang pasanin ng mamamayan dulot ng oil price hike. Ito ay ang pagsuspende sa excise tax ng petrolyo. Kung ihihinto ang tax, bababa ang gasoline at diesel.
Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law) puwedeng isuspende ang tax sa petroleum products kapag umabot sa $80 ang bawat bariles ng langis. Sobra-sobra na ang presyo ng langis kaya dapat nang suspendihin ang tax. Pero sabi ng Department of Finance, hindi raw nararapat gawin ang pagsuspende sa tax sa petrolyo.
Ang linggu-linggong oil price hike ay sumabay pa nga sa pagtataas ng mga pangunahing bilihin. At ang panibagong pahirap, humihirit ang transport groups na taas sa pasahe. Humihiling na itaas sa P10 ang minimum na pasahe sa dyipni. Ito ay dahil sa sunud-sunod na oil price hike.
Nangyari ang pagtataas ng mga bilihin at pati gasoline sa panahong ang mamamayan ay “nalumpo” sa pandemya. Maraming nagkasakit ng COVID na hanggang ngayon ay nararamdaman pa ang hapdi at hindi pa nakakabawi ng lakas. Marami ang namatayan at hindi pa nila nalilimutan ang matinding karanasan. At ngayon, panibagong pahirap na naman ang kanilang hinaharap dahil sa pagtaas ng mga bilihin dulot ng oil price hike. Sundin ang hinaing ng taumbayan na suspendihin muna ang excise tax.
- Latest