Vlogging, ang bagong media
Bago pa isilang ang social media maraming taon na ang nakalilipas, may nabasa akong artikulong hindi ko na matandaan kung sino ang nagsulat. Hinulaan ng manunulat na darating ang araw, ang bawat tao ay magiging media entity kasabay ng pag-unlad ng cyber space technology.
Maaaring ang sumulat nito ay ang bantog na social scientist na si Alvin Toffler, pero hindi ko matiyak. Ngunit ang kanyang prediksyon ay sakto at nagkatotoo na ngayon. Mayroon nang tinatawag na vloggers na gumagamit ng social media para maghayag ng kanilang kuru-kuro at opinion tama man ito o mali.
Karaniwan na lang ngayon na ang isang indibidwal ay may sariling You Tube channel. Parang kailan lang, mayroon lang tayong tri-media: ang radio, television at pahayagan na pinagkukunan natin ng mga impormasyon.
Sa pagsilang ng social media, milyun-milyon na sa buong daigdig ang naging social media practitioners at matatawag na rin nating media entity. Nakakaimpluwensya rin sila sa paraang positibo o negatibo sa ating lipunan.
Balak ng papasok na Marcos administrasyon na bigyan ng akreditasyon ang mga vlogger para makapag-cover sa Malacañang.
Lubhang bata pa ang social media at dapat pang matutuhan nang maraming vloggers ang kanilang responsibilidad tulad ng kortesiya at hindi paggamit ng mga bastos na salita. Dapat ding gamitin ang social media hindi bilang instrumento ng paghahasik ng galit at insulto kundi paghahatid ng tamang impormasyon.
Payag man tayo o hindi, hindi na mapipigilan ito dahil bahagi ng natural na ebolusyon ng technology. Malay natin, darating ang araw na magkaroon ng kurso sa vlogging para sa mga nagnanais gawin itong propesyon. Welcome sa akin ang prospect na ito.
- Latest