^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hamon kay Sara ang DepEd

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Hamon kay Sara ang DepEd

Ang mamumuno sa Department of Education (DepEd) ang kauna-unahang pinangalanan ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. Pinili niya ang vice president elect na si Sara Duterte-Carpio na pamu­nuan ang DepEd. Tinanggap naman ni Sara ang hamon. Sa mga nakaraang administrasyon, pawang­ mga mahuhusay na edukador at mga dating­ mata­taas na pinuno ng mga eskuwelahan ang pinu­puwesto sa DepEd. Pero ngayon, isang dating mayor at abogada ang napiling mamuno sa DepEd.

Sa pag-upo ni Sara sa Hulyo 1, 2022 bilang bagong kalihim ng DepEd, ang una niyang dapat tutukan ay ang problemang maraming bata ngayon na edad walo ay hindi pa marunong bumasa at sumulat. Lalong lumutang ang problemang ito ngayong sinagasaan ng pandemya ang bansa. Ang online learning ay hindi naging mabisa para matuto ang mga bata. Mas natututo ang mga bata sa face-to-face classes kung saan, nagagabayan ng guro ang bata. Sa Agosto ay magsisimula na ang F2F classes at sa pagkakataong ito dapat maihabol ang mga bata na matutong bumasa at sumulat. Kawawa naman ang mga ito kung hindi matututo. Lalo nang mapag-iwanan ang mga kaba­taang Pilipino sa larangan.

Kulelat din umano ang mga kabataang Pilipino sa Math at Science. At maski sa Philippine History­ ay mahina rin. Halimbawa, hindi alam ng ilang kabataan ang kahulugan ng Gomburza. Simpleng kata­nungan lang ito pero nangangapa ang mga kabataan. Nakakaawa naman na ang sariling kasaysayan ay hindi nila alam.

Kailangang malaman kung saan may mali ang sis­tema ng edukasyon. Baka naman dahil sa mga guro? Paano nakapasa sa high school o Grade 7 ang mga hindi alam ang kahulugan ng Gomburza. Ipinasa ng guro kahit walang nalalaman. Kailangang busisiin ang kakayahan ng mga guro at baka ang mga ito ang dahilan kung bakit kapos sa aral ang mga kabataan.

Maaaring dahil din sa korapsiyon sa DepEd kaya nagkakaganito ang sistema sa edukasyon.

Noong Marso, inamin mismo ni DepEd Secretary Leonor Briones na may mga tiwaling opisyal at empleyado sa kanyang tanggapan. Sinabi niyang ang katiwalian sa tanggapan ay isa sa mga dahilan kung bakit napagkakaitan ng edukasyon ang maraming kabataan. Kaya ipinanukala niya ang pagtatatag ng anticorruption committees (ACC) sa kanilang central, regional at schools division offices.

Malaking hamon kay Sara ang mga suliranin sa DepEd. Harinawang masolusyunan niya ang maling sistema at masupil ang korapsiyon.

vuukle comment

DEPED

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with