Nais ni Finance Secretary Carlos Dominguez na isara at ibenta ng sunod na administrasyon ang lupa kung saan nakatayo ang NAIA para mabayaran ang napakalaking utang ng bansa. Nasa higit P12 trilyon na ang utang na mamanahin ng susunod na administrasyon. Napakalaki pala ng lupa ng NAIA—646 ektarya. Ayon kay Ramon Ang na namumuhunan sa ginagawang airport sa Bulacan, isara ang NAIA sa loob ng 10 taon at ibenta sa halagang P2 trilyon para makabawas sa utang.
Matagal nang isyu ang pagsara ng NAIA at ilipat ang pangunahing paliparan sa ibang lugar. Ang plano noon ay sa Clark ilipat. May planong Northrail sa pagitan ng Metro Manila at Clark para sa mga pasahero. Pero ibinasura ang kontrata ng administrasyon ni Noynoy Aquino dahil sa mga anomalyang nakita sa proyekto.
Panahon ni Arroyo nang nilagdaan ang kontrata sa pagitan ng gobyerno at mga kompanya sa China. Ayon kay Dominguez, malayo masyado ang Clark kung wala ring mabilis na tren na magdadala sa mga pasahero. Kaya ang airport sa Bulacan na lang ang inaasahan. Sa 2024 pa yata ito magagamit kung hindi ako nagkakamali.
Ang nais ko lang kung sakaling tuluyang isara at ibenta na ang NAIA ay maglagay ng rebulto o palatandaan kung saan pinatay si Ninoy Aquino. Hindi dapat mabura ang naganap diyan. May mambabatas nga na nais tanggalin na si Ninoy at Cory sa P500 bill dahil “divisive” raw. Malinaw na ayaw lang sa mga Aquino. Ayaw bigyan ng kahalagahan ang pagkapatay sa kanya na naging mitsa ng EDSA.
Naging matagumpay nga ang kampo ni Marcos Jr. sa pagbago ng kasaysayan nila. Ganyan na yata ang uso ngayon, burahin ang kasaysayan kung hindi mo gusto. Umaandar na ba ang website sa Palasyo na naglalaman ng mga kaganapan noong martial law? Sabi kasi nila “updating” lang daw kaya wala muna. Ano kayang “update” iyan?
Hindi nababahala si Benjamin Diokno, ang papasok na Finance secretary sa malaking utang ng bansa at kayang bayaran daw ito. Mas tututukan ang tamang pagbayad ng buwis kaysa magpataw ng mga bagong buwis. Hindi na siya dapat lumayo kung ganun lang.