NANG kapanayamin ng ilang piling media members si president-elect Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes, nagbigay ito ng pahayag sa maritime dispute ng Pilipinas sa China.
Sa pahayag ni Marcos mariin niyang sinabi na mayroong mahalagang ruling na pumapabor sa Pilipinas at ito ang nararapat gamitin para maipaglaban ang karapatan sa teritoryo, Ayon kay Marcos, hindi ito claim—manapa isa itong territorial right. Ayon pa sa kanya, ang ating soberanya ay napakasagrado at hindi ikukumpromiso. Hindi umano niya mapapayagan kahit single square o kahit ang pinakamaliit na sukat ng maritime coastal ng bansa ay mayapakan ng iba.
Sa mga sinabi ni Marcos, nakikitang isusulong niya ang arbitrary ruling. Kabaliktaran ng sinabi ni President Duterte noong nakaraang taon na “kapirasong papel” lamang ang ruling at kapag ipinilit ito ay maaring pagmulan ng giyera.
Malinaw ang ruling noong Hulyo 2016 kung saan kinatigan ng UN tribunal ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aawayang teritoryo sa South China Sea. Ayon sa UN walang legal basis ang China sa sinasabi nilang historic rights at sa iginigiit nilang 9-dash-line claim sa inaangking teritoryo. Ayon pa sa tribunal. lumabag anila ang China sa sovereign rights ng Pilipinas makaraan ang mga mararahas na aksiyon laban sa mga Pilipinong mangingisda noong 2013. Nilabag din ng China ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na makapangisda sa Panatag o Scarborough Shoal makaraang magtayo roon ng mga istruktura. Ang lugar ayon sa tribunal ay maaaring pangisdaan ng kahit sino at walang karapatan ang China na magbawal sa mga gustong mangisda sa shoal.
Maraming natuwa sa pagpanig ng UN tribunal sa inihaing reklamo ng Pilipinas. Isang malaking tagumpay anila ang pagkatig ng tribunal at maaari nang masimulan ang pakikipagnegosasyon sa China para magkaroon na nang lubos na pagkakaunawaan. Kung magkakaroon ng pagkakasundo, maaari nang maipagpatuloy ng mga mangingisdang Pinoy ang kanilang paghahanapbuhay.
Subalit hindi kinilala ng China ang ruling. Patuloy na itinataboy at binobomba ng tubig ang mga mangingisdang Pinoy. Null and void daw ang inilabas na pasya ng UN.
Ngayong nagpahayag na si Marcos na ipaglalaban ang ruling, nakikita ang kislap ng pag-asa sa WPS. May nagsalita na para ipaglaban ang soberanya.