Mag-iisang linggo na ang nakalilipas nang masunog ang Mercraft 2 habang padaong sa Real, Quezon. Galing Polilio Island ang barko at may 157 pasahero. Nagmula umano sa engine room ang sunog at mabilis na kumalat sa kabuuan ng barko. Sa takot, nagpanic ang mga pasahero at nag-uunahang nagtalunan sa tubig kahit walang life vests.
Mabilis namang nakaresponde ang dalawang roro vessel at barko ng Philippine Coast Guard sa pinangyarihan ng insidente. Marami ring bangkang de motor ang nakarating sa lugar at nailigtas ang mga pasahero na lulutang-lutang sa dagat.
Ganunman, sa kabila na may sumaklolo, pito ang namatay at 24 ang malubhang nasunog ang katawan. Kabilang sa mga namatay ang ina ng kapitan ng barko. Kabilang naman sa mga nasugatan ang mismong kapitan ng Mercraft 2.
Dinala sa iba’t ibang ospital sa Quezon ang mga biktimang nagtamo ng sunog sa katawan. Ang ilan ay dinala sa mga ospital sa Maynila, dahil sa lubha ng sunog sa katawan.
Una nang sinabi ng may-ari ng Mercraft 2 na hindi nila pababayaan ang mga biktima. Sasagutin umano nila ang lahat ng gastos. Subalit may ilang biktima ang nagrereklamo na hindi na nila mahagilap ang mga kinatawan ng Mercraft. Nasaan na raw ang pangako.
May pasaherong nawalan ng pera na umaasang tutulungan ng may-ari ng Mercraft 2. Ayon sa babaing pasahero, pinag-ipunan umano niya ang P100,000 na kanyang dala ng araw na maganap ang trahedya para sa kanyang dialysis. Pero nang maganap ang sunog, naging abo na ang kanyang pinag-ipunan. Humihingi siya ng tulong.
Nasangkot na rin ang isa pang barko ng Mercraft sa aksidente noong 2017 nang makabanggaan ang isa pang passenger vessel at lumubog sa pagitan ng Polilio at Dinahican sa Infanta. Lima ang namatay sa insidente.
Hindi pa natututo ang may-ari ng Mercraft gayung may nangyari na palang insidente. Sa pagkasunog ng Mercraft 2, nakita ang kapabayaan ng mga crew ng barko. Nakipag-unahan sa pagtalon sa mga pasahero. Ni hindi na binigyan ng life vests ang mga pasahero kaya may nalunod.
Nararapat panagutin ang may-ari ng barko dahil sa kapabayaan. Ngayong panahon ng tag-ulan at dumadalaw na ang bagyo posibleng maulit ang trahedya. Sampolan ang mga pabayang may-ari ng sasakyang dagat.