Nangangamba ang local poultry growers sa nasasagap nilang alimuom na magpapatuloy sa panunungkulan si Agriculture Secretary William Dar sa bagong administrasyon. Sobra na, tama na! ‘Yan ang kanilang isinisigaw.
Ipinakikiusap nila kay president-elect Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng bagong Agriculture secretary na magbabangon sa industriya ng manukan at hindi ang pag-angkat ng manok at iba pang produktong agrikultural ang tanging nalalaman. Ang ginagawang pag-angkat ng DA ay pumapatay sa agrikultura ng bansa.
Ayon sa United Broiler Raisers Association (UBRA) na binubuo ng mga small at medium-scale broiler raisers, walang nakita sa panunungkulan ni Dar kundi importasyon ng mga produkto,
Ayon kina Elias Jose M. Incion at Gregorio A. San Diego, mga tagapangulo ng UBRA, walang ibang itinaguyod ang DA kundi importasyon. Naging sunud-sunuran umano si Dar sa import liberalization na idinuldol ng neoliberal economists.
Hindi umunlad ang agrikultura ng bansa sa kalakarang neo-liberal bagkus napaglaruan ang supply-demand doctrine at free market. Inilagay din ang lokal na agrikultura sa panganib ng climate change at deglobalization dahil sa sobrang import-dependence.
Nangako rin si Marcos na walang puwang ang katiwalian sa kanyang panunungkulan. Sana’y masilip ng COA na noong 2020, ang DA ay mayroong P9.454 billion disallowances, audit suspensions at charges; P17.542 billion na unliquidated fund transfers sa implementing agencies at NGOs/POs; P20.210 billion unliquidated fund transfers ng mga nakaraang taong panunungkulan ni Dar; at P9.806 billion na ibinalik sa National Treasury na nagpapakita ng hindi mahusay na pangangasiwa sa pondo ng ahensiya.
Pumili si Marcos ng Agriculture secretary na marunong sa pagsasaka at may pagkalinga sa mga magsasaka para makabangon muli ang agrikultura ng bansa.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com.