Sa harap ng walang habas na pagtaas sa presyo ng krudong langis, lahat ng ekonomiya sa daigdig ay nanganganib maapektuhan. Kapag mataas ang halaga ng enerhiya, tataas din ang halaga ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan. Sa ganyang sitwasyon, taumbayan ang nagdurusa.
Ngayong nalalapit na ang pag-upo ni Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. bilang ika-17 presidente ng bansa, posible kayang buhayin ang itinenggang Bataan Nuclear Plant na ipinatayo ng kanyang ama noong presidente pa ito? Naudlot ang operasyon ng planta nang mapatalsik sa poder si Marcos at maupong Presidente ng bansa si Cory Aquino noong 1986. Safety issue ang dahilan.
Siguradong ang prospect na pagbubukas ng nuclear plant ay magiging dahilan ng kilos protesta ng maraming sektor lalo na ng mga environmentalists dahil sinasabing may kakambal na panganib ang mga plantang nuclear.
Pero sa totoo lang, ang nuclear plant na ginagamit na ng maraming maunlad na bansa sa daigdig ay epektibong pinagmumulan ng murang elektrisidad. Pero ang tanong, sulit ba na mapababa ang halaga ng enerhiya kapalit ng nakaambang panganib tulad ng naganap sa Japan at sa Russia noon?
Hindi ko isinasara ang aking isip sa issue. Kung makakagawa ng mga epektibong safety measures para mabawasan ang panganib ng nuclear plant at maipatutupad ito sa atin, payag akong mag-operate ang plantang nukleyar sa Bataan.
Ang campaign promise ni Marcos ay ibaba ang presyo ng bilihin lalo na ang bigas. Palagay ko, kung hindi na tayo gagamit ng tradisyunal na krudong langis at sa halip ay nuclear power, tiyak na matatamo ang layuning ito ni Marcos.