Nagbabala ang mga eksperto sa kalusugan na kung patuloy na magrerelaks ang mga tao at babalewalain na ang health protocols, tiyak na dadami muli ang kaso ng COVID variants. Kung magiging kumpiyansa ang mga tao at hindi na magsusuot ng face mask at balik sa dating pagkukumpul-kumpulan, tiyak na marami ang tatamaan.
Ganyan ang nangyari sa Shanghai, China na nagrelaks masyado ang mga tao kaya sumipa ang kaso. Hanggang sa kasalukuyan, naka-lockdown pa rin sa Shanghai at dinadalhan na lamang ng food supply ang mga residente. Ang mga Pinoy sa Shanghai ay dumadaing sapagkat nahihirapan umano silang makakuha ng suplay ng pagkain.
Sabi ng Philippine Medical Association (PMA), posibleng magkaroon ng lockdown ngayong tag-ulan. Sa panahong ito anila marami ang nagkakasakit. Ang problema, ayon sa PMA, hindi na madetermina kung ang sakit na tumama sa isang indibidwal ay COVID o hindi. Halos pareho rin ang sintomas ng COVID at karaniwang trangkaso. Kaya ang payo ng PMA sa publiko, sundin ang ipinatutupad na health protocols at huwag maging kumpiyansa. Huwag na raw hintayin pang magkaroon ng surge sapagkat napakahirap.
Isang patunay na nasa paligid lamang ang COVID ay nang tamaan si vaccine czar Carlito Galvez Jr. Naka-isolate na si Galvez sa kasalukuyan. Bakunado ang vaccine czar at may booster shots na rin pero tinamaan pa rin siya. Kaya nararapat ang pag-iingat at huwag maging kampante lalo pa’t may lumabas na namang subvariant ang Omicron BA.4.
Pinakamabisang panlaban sa COVID ay ang pagpapabakuna at booster shot. Inatasan na ng DILG ang local government units (LGUs) na hanapin ang mga hindi pa bakunado at walang booster shot. Ang kautusan ay ipinatupad dahil sa pagsulpot ng BA.4 variant na umano’y madaling makahawa. Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, kailangan ang aggressive action dahil highly contagious ang bagong variant.
Sundin ng mamamayan ang health protocols, magpabakuna o magpa-booster para may sapat na proteksiyon sa virus. Huwag magrelaks narito pa ang COVID.