Bago matapos ang linggong ito ay makukumpleto na rin ang proseso ng pagpili ng ating bagong opisyal. Pormal itong inumpisahan sa pag-file ng kandidatura noong Pebrero 8. Pero, kung tutuusin, ang ibang tumakbo ay nauna nang magparamdam taon na ang nakalipas.
Kung tayo ay naging tutok sa kaganapan ng kampanya, ang administrasyon naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ay abala ding siguruhin na matapos nila ang mga pending na aaksyunan. Mahalaga sa bawat transition ang magkaroon ng magandang turn-over ng trabaho. Kung nagka-personalan man sa kampanya, dapat propesyonal pa rin ang serbisyo. Wala dapat makumpromisong gawain na mabibinbin lamang dahil sa pagpalit ng administrasyon.
Ang incoming Marcos administration ay nagsusunog din ng kilay upang makabuo ng magandang line up upang maging handa sa Hunyo 30. Maaalala na may mga administrasyong nakalipas na naging mapusok sa paghawak ng responsibilidad subalit hindi naman napaghandaan ng mga nabigyang puwesto ang kailangang gawin. Ang resulta ay natawag tuloy na iskul bukol at naging hindi maganda ang repleksiyon sa kanilang pamunuan.
Hindi mangyayari ulit ang ganoong pagmatrikula. Naiulat na ang pagtalaga ni President-elect BBM ng mga magagaling na tauhan sa kanyang gabinete. Ang kanyang Education Secretary na si Vice President-elect Sara Z. Duterte ang magiging superstar. Si Atty. Vic Rodriguez naman ang magsisilbing Executive Secretary na kapatas ng kanyang mga kalihim. Binubuo na ang economic team at, sa kalibre ng mga nauna nang pinasilip, malinaw na pawang mga batikan at subok nang opisyal ang tatao sa mga mahalagang tanggapan. Una na si dating Sec. Bienvenido Laguesma sa DOLE, dating Usec. Toots Ople para sa Migrant Workers Department at si Sec. Arsenio Balisacan sa NEDA.
Nakumpirma na ring si dating MMDA Chair at Mandaluyong Mayor at Congressman BenHur Abalos ang hahawak sa DILG at si Cong. Boying Remulla sa DOJ.
Ang ganitong bandera ng mga opisyal ay nagpapalakas ng loob at nagbibigay pag-asa sa mga nakamasid na talagang mapapangatawanan ng administrasyong Marcos, Jr. ang panata nito na tayo ay pabangunin muli.