NU’NG dekada-’70 sa high school pinababasa kami ng diyaryo at pinaliliham sa mga awtor at editor. ‘‘Snail mail’’ pa noon, ilang araw bago dumating ang sulat sa addressee at sa amin. Dapat ‘‘may dating’’ ang liham namin para ganahan silang sumagot—at tumaas ang mga grado namin sa English Composition at sa Panulat Pilipino.
Dekada-’90 napalitan ng email ang koreo. Malimit ako noong makatanggap dito sa Pilipino Star NGAYON at Philippine STAR ng e-mails ng mag-aaral mula sa private at public schools. Sinasagot ko sila agad para ganahan sa class assignment—at tumaas ang mga grado nila.
Isang paraan lang ang letter-writing para hasain ang mga bata sa pagbasa at pagsulat, at masanay sa wastong baybay o spelling.
Ngayon sa mobile text at Facebook na nagsusulatan ang mga tao. Sinusundan ng mag-aaral ang mga hinahangaang tao sa Twitter. Napag-alaman ko na hindi na pinagsusulat ang mga bata sa mga awtor at editor. Nawiwili sila sa puro litrato at video sa Tiktok at YouTube.
Nakakabahala ito. Kulang ng paghasa sa mga bata sa Reading Comprehension. Sa international tests, kulelat ang mga Pilipino sa Grades 4, 5 at 8. Mabagal sila magbasa at hindi makasulat ng isa man lang na sentence mula sa ipinabasang paragraph.
Dahil mapurol ang mga Pilipino sa pagbasa at pagsulat, kulelat din sila sa Math at Science kumpara sa maraming bansa. Hindi maintindihan ang numero at agham dahil hindi sinanay magbukas ng libro. E paano pa kaya sila aasenso sa buhay? Paano magkakatrabaho o negosyo laban sa mga kahenerasyon na dayuhan.
Maaring makatulong ang celebrities at influencers sa solusyon. Hikayatin nila ang mga bata na magbasa ng Kasaysayan at Panitikan. Magtatag ng Book Clubs. Pasulatin sa social media platforms nila ang mga bata, para ganahan sa mga aralin. Hindi lang guro o magulang ang tagaturo kundi lahat tayo—buong lipunan.