EDITORYAL - Krisis sa pagkain babala ng DA
Agrikultural na bansa ang Pilipinas. Malawak ang mga taniman ng palay mapa-hilaga at mapa-timog. Palay ang numero unong produkto ng bansa at pinagkakakitaan nang maraming Pilipino. Maraming magsasaka ng palay ang nakadepende sa kanilang ani kaya pinagbubutihan nila ang pagtatanim. Ginagastusan nila nang sapat ang pangangailangan ng kanilang pananim na palay para marami silang anihin. Binubusog nila sa fertilizer at pinuprotektahan sa mga kulisap sa pamamagitan ng regular na pag-spray ng insecticide. Hindi dapat pabayaan kapag namumulaklak na ang palay sapagkat maaring maging ipa at walang mapapakinabangan. Kailangang gastusan ang tanim na palay para magkaroon nang maraming ani.
Noong nakaraang linggo, nakadidismaya ang sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na may napipinto umanong food crisis sa bansa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga ginagamit sa pagsasaka gaya ng fertilizer, insecticide at mga binhi. Pinalala rin umano ito ng pandemya at ang patuloy na pagtaas ng petroleum products at ang nagaganap na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Sinabi ni Dar na posibleng magkaroon ng food crisis sa ikalawang bahagi ng 2022.
Nakadagdag sa pagkadismaya ang sinabi naman ni Agriculture Undersecretary Fermin Adriano na nangangailangan ang bansa ng P30 hanggang P40 bilyon para sa sapat na suplay ng bigas. Binigyang babala ni Adriano ang administrasyon ni presumptive president Ferdinand Marcos Jr. na hindi nila alam kung sasapat pa ang suplay ng bigas sa ikalawang bahagi ng taon. Kailangan daw ay magbigay ng ayuda sa mga magsasaka para may maibili ng fertilizer at kung hindi ay baka magkaproblema.
Nakakatakot ang babala ng DA. Mismong sa tanggapan pa na namamahala sa agrikultura nanggaling na posibleng magkaroon ng krisis sa pagkain. Dapat bang ganito ang ibukambibig ng mga namumuno? Sa halip na mga paraan kung paano mapaparami ang ani ang ibuka ng bibig ay malaking pondo ang hinihiling. Sa halip na tulungan ang mga magsasaka ng palay para mapaunlad at maparami ang ani, ang pondo para sa ibibili ng bigas ang hinihiling.
Ang paghahayag ng DA na may krisis sa pagkain ay nag-aanyaya sa mga smuggler ng bigas, gulay, prutas, karne at maging isda. Nararapat maging matalino si Marcos sa pagpili ng Agriculture secretary. Hindi ‘yung ang utak ay pawang pag-angkat ng bigas ang nalalaman.
- Latest