Hindi na nakakagulat para sa isang papasok na pangulo ang magtalaga ng mga kandidatong natalo sa pambansa o lokal na posisyon. Ito malamang ang gagawin ng susunod na administrasyon, matapos ang mandatoryong isang taon na pagbabawal sa mga natalong kandidato na mabigyan ng mga posisyon sa gobyerno. Sa ngayon, dalawang cabinet post pa lang ang napunan ng papasok na President Bongbong Marcos Jr. May inalok pa sa dalawa. Nakikita ko na ang mga pumuposisyon para mabigyan ng posisyon sa gobyerno. Mga bumubulong kay Marcos o mga nagbibigay ng mga rekomendasyon ng mga kaibigan o kakilala nila. Masabi ko lang na lahat ng administrasyon ay gawain din ito.
May mga panawagan sa susunod na administrasyon na ipagpatuloy ang mga programang sinimulan sa ilalim ng administrasyong Duterte tulad ng drug war. Inaalam pa kung paano ito patutuparin ni Marcos. Makakakita ba tayo ng mga bagong biktima ng “tokhang”? Daragdagan pa kaya ni Marcos ang napakaraming kaso ng extrajudicial killings? O makakakita ba tayo ng mas makataong diskarte sa problema sa ilegal na droga?
Ang mahigpit na binabantayan ng sektor ng negosyo ay kung sino ang bubuo sa pangkat ng ekonomiya ng sunod na administrasyon. Lumobo na sa P13 trilyon ang utang ng bansa. Ang isang trilyon ay may 12 zero, para sa mga hindi nakakaalam. Lumalabas na humigit-kumulang P100,000 ang utang ng bawat Pilipino, kabilang ang mga bata. Dapat nga buhayin ang ekonomiya upang mabayaran ang napakalaking utang na ito.
May mga nagtatanong nga kung saan napunta ang malaking inutang ng administrasyong Duterte na mamanahin ng administrasyong Marcos. Ay hindi ba’t may isyu pa ang utang na buwis na hindi pa nababayaran umano nila Marcos? Baka puwedeng isama na rin ang napakamahal na painting ni Picasso sa pambayad ng utang, hindi ba?
Ang isa pang programa ng kasalukuyang administrasyon na nais ipagpatuloy ng susunod ay ang pagtugon sa pandemya. Ang bilang ng mga kaso ay mahigpit na binabantayan habang papalapit tayo sa ikalawang linggo pagkatapos ng halalan. Ang mga analyst ay hinuhulaan ang pagtaas ng mga kaso, kasama ang pagtuklas ng isa pang bagong subvariant. Tatlong kaso ng impeksyon ang natuklasan sa ngayon. Mukhang hindi pa tapos ang coronavirus. Ngayong tila bumabalik na sa normal ang buhay, ang mga pag-iingat na nakasanayan na natin sa nakalipas na dalawang taon ay dapat magpatuloy.
Lahat ng administrasyon ay nagmamana ng mga problema. Kung paano pangangasiwaan ng papasok na administrasyon ay ating babantayan. Hiniling ni Marcos na hatulan siya sa kanyang mga aksyon at hindi sa pamamagitan ng mga ninuno. Pag-aamin iyan ng lahat na inaakusa sa diktador niyang ama. Alam natin lahat iyan, at sana alamin ng mga tumangging maniwala sa kasaysayan. Ngunit may kakaibang nangyari sa website ng Malacañang. Naglalaman ito ng impormasyon tungkol sa rehimen ng diktador Ferdinand Marcos Sr.
Ang website ay nanatiling hindi mabuksan mula Martes ng umaga. Sinabi ng Presidential Museum and Library, “salungat sa mga ulat na tinanggal ang website nito, sinuspinde lamang ito upang i-update ang nilalaman nito at pagbutihin ang mga tampok na panseguridad.” Talaga? Ito ba ang simula ng panibagong kabanata ng “historical denialism” ngayong nahalal na ang anak at kapangalan ng diktador? Ano kaya ang susunod? Bubuwagin ang PCGG? Hindi bibigyan ng pondo ang CHR? Nagtatanong lang.