Ang Metro Manila sa Tagalog ay Kalakhang Maynila. Maging sa Ingles man o sa katutubong wika, malinaw na ang ugat ng rehiyong ito ay ang pangunahing Lungsod ng Maynila.
Taong 1521 ang itinuring na umpisa ng kasaysayan ng Pilipinas. Kasaysayan itong sinulat ng mga puti, nang mapasailalim tayo sa Kastila.
Itong 2021 ay pinagdiwang natin ang 500 years o quincentennial ng Pilipinas. Sa 450 years ng 500 na iyan, ang Lungsod ng Maynila ang nagsilbing sentro ng pulitika, negosyo, edukasyon, kultura, at iba pa. Habang lumipas ang panahon, lumaki nang lumaki ang bakuran ng Maynila upang mabigyan ng lugar ang mga kababayang probinsiyano na nakipagsapalaran. Ilan ding mga bayan at lungsod ang nagsulputan sa paligid ng Maynila upang tanggapin ang pag-apaw ng mga migrante. Ito ang nagsilbing pagsilang ng rehiyong Kalakhang Maynila.
Sa itinagal ng panahon na iyan, laging lalaki ang nanunungkulang Punong Lungsod sa Maynila. Maging sa Kalakhang Maynila, pawang mga kalalakihan lagi ang namumuno.
Nang sumapit ang ika-20 siglo, unti-unting nagkaroon ng pagbabago. Una sa lahat ang Quezon City kung saan noong 1976 pa lamang ay nagkaroon na ng babaing mayor sa katauhan ni Adelina Rodriguez. Ngayon ay babae muli ang mayor ng Quezon City, si Joy Belmonte. Marami na ring babaing mayor sa iba pang lungsod ng Metro Manila: sa Makati, si Abigail Binay; Pasay, Emy Calixto-Rubiano; Las Piñas, Imelda Aguilar; Taguig, Lani Cayetano na pawang mga first time women mayors.
Itong nakaraang eleksyon ay nadagdagan pa ang mga ito nang manalo sa Malabon City si Jennie Sandoval. At, sa kauna-unahang pagkakataon sa 450 years, babae ang mayor ng Maynila. Congratulations kay Manila Mayor Honey Lacuna.
Ang kasabihan ay where Manila goes, the nation goes. Hindi nanguna ang Lungsod sa Metro Manila, o sa buong Pilipinas, sa pagkakaroon ng babaing pinuno. Gayonpaman, makasisiguro tayong hindi magpapahuli ang Maynila sa ilalim ng liderato ni Mayora Honey Lacuna na pangatawanan ang posisyon nito bilang sentro ng bansa. Congrats Yora-meh!