Pag-import ng pagkain ikagugutom kinalaunan

Sa rami ng fastfood restaurants sa Pilipinas hindi naka­kagulat na milyon-milyong burger, hotdog at pirasong manok ang nakakain araw-araw. Nararapat lang na sa Pilipino bumili ng beef, pork at chicken ang mga restaurateur. Sa pagtangkilik nila sa lokal kikita ang magbabaka, magba­baboy, magmamanok at suppliers ng pagkain. Lalago ang hanapbuhay sa kanayunan. Sa paglaki ng mga operasyon­ makikinabang ang mga taga-lungsod: gumagawa ng ma­kina, damit, home appliances, gamit pang-konstruk­syon at pambahay, gamot, sasakyan, atbp. Gan’un umiikot at umaangat ang ekonomiya.

Sa pagtangkilik din ng mamimili sa lokal na ani kumi­kita ang magpapalay, maggugulay at magpuprutas. Kapalit nakakabili rin sila ng mga galing sa siyudad. (Ang milyong­ mga Chinese, Korean at Hapon sa Pilipinas ay sa kani­lang bansa bumibili ng pansit, kimchi at toyo.)

Kung i-boycott ng mga Pilipino ang imported na galung­gong, tulingan, bonito, mackerel at sardinas, sasagana ang kita ng maliliit na mangingisda at commercial fleets. La­lago rin ang fishpens at ponds sa pagtangkilik sa ba­ngus at tila­pia. Masaklap na ang imported na isda ay galing sa China, na nagnanakaw ng daan-milyong kilo sa dagat ng Pilipinas­. Binubundol pa at sinasaktan ang mga Pilipino sa laot.

Kakitiran ng pag-iisip ang pag-import ng gobyerno ng pag­kain. Panandaliang napapasaya ang mamimili sa siyu­­­dad. Pero sa kalaunan sila rin ang mawawalan ng trabaho at negosyo kung namulubi ang mga nagtatanim, nag­papalaki at nanghuhuli ng pagkain.

Pinalalala pa ng smuggling ang problema. Sa puslit na karne, gulay at prutas nawawalan ng buwis ang gob­yerno. Yumayaman ang iilang tulisan at kasapakat sa Cus­toms. Nakasalalay ang seguridad sa pagkain kung sobra ang lokal na produksiyon.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments